Diskurso PH
Translate the website into your language:

Zaldy Co, nagparamdam! Puganteng ex-solon, naglipat ng ₱5B crypto habang nagtatago sa Portugal — DILG

Marijo Farah A. BenitezIpinost noong 2025-12-18 09:45:08 Zaldy Co, nagparamdam! Puganteng ex-solon, naglipat ng ₱5B crypto habang nagtatago sa Portugal — DILG

DISYEMBRE 18, 2025 — Ibinunyag ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na si dating Ako Bicol Party-list Representative Zaldy Co ay umano’y naglipat ng humigit-kumulang ₱5 bilyon palabas ng bansa gamit ang cryptocurrency habang patuloy na nagtatago sa Portugal.

Ayon kay DILG Secretary Jonvic Remulla, ang impormasyon ay mula mismo sa mga kasamahan ni Co. 

“What we know is through crypto, he transferred ₱5 billion overseas,” pahayag ni Remulla sa isang panayam noong Disyembre 17.

(Ang alam natin ay sa pamamagitan ng crypto, naglipat siya ng ₱5 bilyon sa ibang bansa)

Binanggit pa ng kalihim na bagaman tila malaki ang hawak na yaman ng dating kongresista, hindi nito natatakasan ang lumalakas na pressure mula sa mga internasyonal na batas. 

“He is a poor man with a lot of money. Not all the money in the world can solve his problems,” dagdag ni Remulla.

(Isa siyang mahirap na tao na maraming pera. Hindi lahat ng pera sa mundo ay makakalutas sa kanyang problema)

Matatandaang kinansela na ang pasaporte ni Co matapos siyang masampahan ng mga kasong kriminal gaya ng malversation, graft, at falsification of documents kaugnay sa multi-bilyong pisong flood control scam. Siya rin ay idinawit sa umano’y kontrobersyal na budget insertions na umabot sa higit ₱13 bilyon sa 2025 national budget.

Sa kanyang panig, naglabas si Co ng mga video kung saan inaakusahan niya si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na nag-utos ng ₱100 bilyong dagdag sa parehong budget. Mariing itinanggi ng Malacañang ang naturang paratang.

Ipinahayag naman ni DILG Undersecretary Renato Paraiso na ginamit ng mga sangkot sa flood control scam ang dark web, VPNs, at mga money mules upang i-convert ang bilyon-bilyong piso sa USDT bago ilipat sa cold wallets. 

Dahil karamihan sa mga crypto exchange ay nakabase sa ibang bansa, limitado ang kapangyarihan ng Pilipinas na ipatupad ang freeze orders, at kadalasan ay nakadepende lamang sa kooperasyon ng mga platform.

Bagaman may ulat na matagal nang Portuguese citizen si Co, umaasa si Remulla na maaari pa ring isulong ang extradition kung mapapatunayang naganap ang mga krimen bago niya nakuha ang naturang citizenship. 

“Their law is if the [offense] is committed prior to the acquisition of the passport, then we have a chance,” paliwanag ng kalihim.

(Ang kanilang batas nila ay kung ang krimen ay naganap bago makuha ang pasaporte, may pagkakataon tayo)



(Larawan: Rep. Zaldy Co | Facebook)