Mga empleyado ng gobyerno, tatanggap ng P5K bonus
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-12-18 17:50:05
December 18, 2025 — Inanunsyo ng Department of Budget and Management (DBM) na makakatanggap ng ₱5,000 Productivity Enhancement Incentive (PEI) ang lahat ng kuwalipikadong kawani ng pamahalaan ngayong taon, alinsunod sa Circular Letter No. 2025-13 na inilabas noong Disyembre 17.
Ayon sa DBM, ang insentibo ay ipamimigay hindi mas maaga sa Disyembre 15, 2025, batay sa mga patakaran ng Budget Circular No. 2017-4. Saklaw ng PEI ang mga civilian personnel sa iba’t ibang ahensya ng pambansang pamahalaan, mga state universities and colleges (SUCs), government-owned or -controlled corporations (GOCCs), local water districts, at mga local government units (LGUs).
Sa opisyal na pahayag, pinasalamatan ni DBM Acting Secretary Rolly Toledo si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa pag-apruba ng insentibo. “We thank President Ferdinand R. Marcos Jr. for his approval, which enables the continued grant of the Productivity Enhancement Incentive. This reflects our shared commitment in recognizing performance, professionalism, and the vital role of public servants,” ani Toledo.
Binanggit ng DBM na ang pagbibigay ng PEI ay nakabatay sa Congress Joint Resolution No. 4, s. 2009, na nagtatakda ng performance-based incentive scheme para sa mga empleyado ng gobyerno. Layunin nitong kilalanin ang kanilang kontribusyon at mapalakas ang kanilang motibasyon sa serbisyo publiko.
Sa inilabas na circular, pinaalalahanan ng DBM ang lahat ng heads of departments, bureaus, at ahensya na tiyakin ang tamang implementasyon ng insentibo. “The grant of the PEI is aligned with one of the governing principles… which states that a performance-based incentive scheme which rewards exemplary performance is a key element of the compensation system,” nakasaad sa dokumento.
Ang insentibo ay inaasahang magbibigay ng dagdag na tulong pinansyal sa mga kawani ng gobyerno ngayong holiday season. Para sa maraming empleyado, ito ay simbolo ng pagkilala sa kanilang sakripisyo at dedikasyon sa gitna ng hamon ng pagbibigay-serbisyo sa publiko.
