Amnestiya para sa mga colorum na drayber at operator, pinag-aaralan ng LTFRB
Robel A. Almoguerra Ipinost noong 2025-12-18 23:26:21
MANILA, Philippines — Pinag-aaralan na ng pamahalaan ang posibilidad ng pagbibigay ng amnestiya sa mga colorum driver at operator na handang mag-apply ng prangkisa simula sa susunod na taon, bilang bahagi ng pagsisikap na ayusin at gawing legal ang sektor ng pampublikong transportasyon.
Ayon kay Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Chairman Vigor Mendoza II, ang panukalang amnestiya ay alinsunod sa direktiba ni Transportation Acting Secretary Giovani Lopez. Layunin umano ng hakbang na ito na bigyan ng pagkakataon ang mga driver at operator na kasalukuyang iligal ang operasyon na makabalik sa tamang landas at magkaroon ng legal na kabuhayan.
“Gusto nating maiwasan na malagay sa peligro ang mga driver—maharap sa kaso o ma-impound ang kanilang sasakyan—kung may malinaw namang landas para sila’y maging legal,” pahayag ni Mendoza.
Gayunman, nilinaw ni Acting Secretary Lopez na hindi saklaw ng amnestiya ang mga gumagamit ng hindi ligtas o hindi roadworthy na sasakyan. Aniya, mananatiling prayoridad ng pamahalaan ang kaligtasan ng mga pasahero at ng publiko. Hinimok naman ng Department of Transportation (DOTr) ang mga colorum driver at operator na samantalahin ang planong amnestiya at magsumite ng mga kinakailangang dokumento upang maging ganap na legal ang kanilang operasyon. Dagdag ng ahensya, inaasahang magdudulot ito ng mas maayos, ligtas, at reguladong sistema ng pampublikong transportasyon sa bansa. (Larawan:LTFRB / Facebook)
