Diskurso PH
Translate the website into your language:

‘Fixed pick-up fare’ para sa TNVS ngayong Kapaskuhan, aprubado ng LTFRB

Marijo Farah A. BenitezIpinost noong 2025-12-18 20:46:26 ‘Fixed pick-up fare’ para sa TNVS ngayong Kapaskuhan, aprubado ng LTFRB

DISYEMBRE 18, 2025 — Dahil sa inaasahang dagsa ng pasahero at masikip na daloy ng trapiko ngayong Kapaskuhan, nagpatupad ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ng bagong sistema ng pamasahe para sa transport network vehicle services (TNVS). Simula Disyembre 20, sisingilin na ang pasahero ng “fixed pick-up fare” na idadagdag sa regular na biyahe bilang tugon sa reklamo ng mga driver hinggil sa mabigat na gastos sa oras at gasolina bago pa man makuha ang pasahero.

Batay sa Memorandum Circular 2025-058, ang pamasahe ay magsisimula na sa sandaling tanggapin ng driver ang booking. Ang distansya mula sa kasalukuyang kinaroroonan ng driver hanggang sa pick-up point ng pasahero ay isasama na sa singil, ngunit limitado lamang sa limang kilometro. Ang halaga ay nakatakda sa fixed rate kada kilometro, depende sa uri ng sasakyan — mula sa subcompact hanggang premium units.

Dagdag pa rito, ipinagbawal ng LTFRB ang transport network companies (TNCs) na kumuha ng komisyon mula sa pick-up fare upang matiyak na ang dagdag kita ay mapupunta nang buo sa mga driver. Kasabay nito, binawasan ng ahensya ng 50% ang surge pricing cap, na sabay ding ipatutupad mula Disyembre 20 hanggang Enero 4, 2026.

Ayon kay LTFRB Chairperson Atty. Vigor D. Mendoza II, layunin ng bagong sistema na gawing patas ang bayad sa serbisyo ng TNVS drivers na madalas gumugol ng oras at gasolina bago pa makuha ang pasahero. 

“We understand the concerns raised by the TNVS drivers, and their arguments are backed by studies on travel time, especially in Metro Manila,” ani Mendoza. 

(Nauunawaan namin ang mga alalahanin ng TNVS drivers, at suportado ito ng mga pag-aaral sa oras ng biyahe, lalo na sa Metro Manila.)

Binanggit ng LTFRB ang datos mula sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na nagpapakita ng pagbagsak ng average speed sa EDSA hanggang isang kilometro kada oras sa matinding trapiko, kumpara sa karaniwang 17 hanggang 20 kph. 

Sa ulat naman ng House of Representatives noong Abril 2024, lumalabas na ang average travel time sa Metro Manila ay 25 minuto kada 10 kilometro, at tumataas pa sa 34 minuto tuwing gabi.

Tinanggap ng TNVS Community Philippines (TCP) ang hakbang bilang tugon sa kanilang panawagan matapos ang pagbawas sa surge pricing. 

“Isinusulong na natin noon pa man ang pagkakaroon ng compensatory adjustment sa pick-up fares. Ito ay upang mabalanse ang gastusin ng TNVS drivers at hindi sila malugi sa gitna ng pagbawas sa surge cap at makapagpatuloy sila sa pagseserbisyo sa ating mga komyuters lalo na ngayong Kapaskuhan,” pahayag ng TCP.

Gayunpaman, iginiit ng grupo na hindi natatapos sa holiday season ang kanilang laban, dahil patuloy pa ring haharapin ng mga driver ang epekto ng inflation at tumataas na operational costs.

Binanggit ni Mendoza na ang hakbang ay alinsunod sa utos ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na tiyakin ang proteksiyon ng mga commuter habang isinasaalang-alang ang kalagayan ng mga manggagawa sa sektor ng transportasyon. Dagdag pa niya, ang bagong sistema ay nakatuon sa pagbibigay ng patas na kabayaran sa mga driver at pagtiyak na may sapat na supply ng sasakyan para sa publiko.

Tiniyak ng LTFRB na mahigpit nilang babantayan ang pagpapatupad ng “fixed pick-up fare” at “surge cap reduction” sa buong holiday period. Layunin ng ahensya na mapanatili ang balanse sa pagitan ng kapakanan ng mga pasahero at ng TNVS drivers, habang hinaharap ang hamon ng mabigat na trapiko sa Metro Manila ngayong Kapaskuhan.



(Larawan: inDrive | Facebook)