Higit 270k tauhan ng PNP, makakakuha ng tig-P20k insentibo bago mag-Pasko
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-12-18 20:48:12
DISYEMBRE 18, 2025 — Mahigit 227,000 pulis at non-uniformed personnel (NUPs) ng Philippine National Police (PNP) ang nakatakdang tumanggap ng tig-P20,000 service recognition incentive (SRI) sa darating na Disyembre 19, ayon sa anunsyo ng pambansang pulisya.
Ang kabuuang halaga ng insentibo ay tinatayang P4.23 bilyon na sasaklaw, hindi lamang sa mga aktibong pulis at NUPs, kundi pati na rin sa mga kadete ng Philippine National Police Academy (PNPA). Ang pagbibigay ng SRI ay alinsunod sa Administrative Order No. 40 ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at sa Budget Circular No. 2025-3 ng Department of Budget and Management (DBM).
Ayon sa kautusan, sakop ng insentibo ang mga kawani ng gobyerno sa regular, contractual, o casual na posisyon na nakapaglingkod nang hindi bababa sa apat na buwan hanggang Nobyembre 30, 2025. Para sa mga may mas maikling panahon ng serbisyo, pro-rated ang matatanggap na halaga.
Hindi kwalipikado ang mga may kasong administratibo o kriminal, maliban na lamang kung ang parusa ay simpleng reprimand.
Sa hiwalay na benepisyo, 227,925 aktibong tauhan ng PNP ang makakakuha rin ng tig-P5,000 Productivity Enhancement Incentive (PEI) bilang pagkilala sa kanilang kontribusyon at sipag ngayong taon.
Sinabi ni PNP acting chief Police Lieutenant General Jose Melencio Nartatez Jr., “This one-time incentive is our way of recognizing the dedication and service of our personnel who continue to uphold public safety with integrity and professionalism.”
(Ang isang beses na insentibong ito ay paraan ng pagkilala sa dedikasyon at serbisyo ng aming mga tauhan na patuloy na nagtataguyod ng kaligtasan ng publiko nang may integridad at propesyonalismo.)
Ang pamamahagi ng insentibo bago mag-Pasko ay inaasahang magbibigay ginhawa at dagdag motibasyon sa hanay ng kapulisan at mga kawani ng PNP na araw-araw nakaharap sa hamon ng pagpapanatili ng kaayusan at seguridad sa bansa.
(Larawan: Philippine News Agency)
