Diskurso PH
Translate the website into your language:

Sara Duterte, dalawang beses umanong dumalaw sa ‘bagman’ sa BJMP para pigilan ang pagbubunyag

Marijo Farah A. BenitezIpinost noong 2025-12-18 21:22:14 Sara Duterte, dalawang beses umanong dumalaw sa ‘bagman’ sa BJMP para pigilan ang pagbubunyag

DISYEMBRE 18, 2025 — Umano’y dalawang beses dumalaw sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) Annex 2 sa Taguig si Vice President Sara Duterte upang kausapin si Ramil Madriaga, ang lalaking nagsasabing siya’y naging “bagman” ng bise presidente. Ayon sa abogado ni Madriaga na si Atty. Raymund Palad, ang mga pagbisita ay naglalayong pigilan ang planong pagbubunyag ni Madriaga hinggil sa umano’y paghahatid ng malalaking halaga ng pera sa utos ni Duterte.

Sinabi ni Palad na ang unang pagbisita ay naganap bago pa ang Oktubre, habang ang ikalawa ay noong Oktubre 19, isang araw matapos niyang personal na dalawin ang kanyang kliyente. 

“Positive po ito. We have other sources for it nag-confirm na talagang binibisita ni Sara si Ka Ramil,” ani Palad. 

Sa unang pagkakataon, umano’y inalok ni Duterte si Madriaga ng tulong upang maayos ang kasong kidnapping na kanyang kinakaharap, kabilang ang pakikipag-usap sa isang hukom na sinasabing konektado sa kanya. Ngunit sa ikalawang pagbisita, nagsimula na raw magduda si Madriaga sa motibo ng bise presidente. 

Ayon sa kanya, may mga tauhan si Duterte na pumunta sa BJMP upang mangalap ng impormasyon tungkol sa pamilya ng mga detainee, ngunit tanging sa Annex 2, kung saan siya nakapiit, isinagawa ang aktibidad.

Sa isang sulat na ipinasa ni Madriaga kay Palad, kinumpirma niyang dalawang beses siyang binisita ni Duterte at may mga pagkakataon ding ipinadala ang kanyang staff. 

“Dalawang beses po siya nagpunta dito. ‘Yun isang beses po late night na. Ang ibang bisita po ay staff niya,” sulat ni Madriaga. 

Nang tanungin kung may ebidensiya gaya ng CCTV o visitor logs, sinabi ni Palad na mas makabubuting itanong ito sa BJMP. 

Bukod sa umano’y pagbisita, nagsumite rin ang kampo ni Madriaga ng mga liham sa Ombudsman at sa National Bureau of Investigation (NBI). Sa Ombudsman, hiniling nila ang isang fact-finding investigation kaugnay ng alegasyon na ang kampanya ni Duterte ay pinondohan ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) at drug lords. 

Sa NBI naman, humiling sila ng forensic examination sa tatlong cellphone ni Madriaga na hawak ng Manila Regional Trial Court Branch 21. Ayon sa kanila, ang mga telepono ay naglalaman ng mga text message at call logs na makapagpapatibay sa mga paratang.

Sa kanyang affidavit, iginiit ni Madriaga na siya’y naghatid ng malalaking halaga ng pera sa iba’t ibang lugar sa utos ni Duterte. Dagdag pa niya, ang kanyang kasong kidnapping ay isang “frame-up” na isinagawa umano ni dating presidential spokesperson Harry Roque at isang heneral ng PNP. 

Sinabi niyang ito’y kaugnay ng pagtulong niya sa mga magsasaka sa Mariveles na nagsampa ng reklamo laban kay Roque hinggil sa umano’y land grabbing ng 421 ektaryang lupain na balak gamitin para sa POGO operations.

Samantala, nanindigan ang Office of the Vice President na walang basehan ang mga paratang. 

Sa pahayag noong Disyembre 13, sinabi ng OVP, “Another fishing expedition is now being launched, as they scramble to weaponize any accusation they can manufacture just to create a semblance of procedural legitimacy for an investigation (Isa na namang fishing expedition ang inilunsad, habang pilit nilang gawing sandata ang anumang akusasyon).Hinihikayat ko ang ating mga kababayan na maging mapanuri at huwag basta magpapadala sa mga paninira.” 

Sa ngayon, nakabinbin ang kahilingan para sa imbestigasyon ng Ombudsman at ang forensic examination ng NBI sa mga cellphone ni Madriaga, na inaasahang magbibigay linaw sa mabibigat na alegasyon laban sa bise presidente.



(Larawan: Philippine News Agency)