Diskurso PH
Translate the website into your language:

Richard Gomez, binatukan ang isang opisyal sa gitna ng SEA Games

Margret Dianne FerminIpinost noong 2025-12-18 15:04:10 Richard Gomez, binatukan ang isang opisyal sa gitna ng SEA Games

December 18, 2025 — Umalingawngaw ang kontrobersya sa 33rd Southeast Asian Games (SEA Games) sa Thailand matapos akusahan si Leyte Rep. Richard “Goma” Gomez, na isa ring opisyal ng Philippine Olympic Committee (POC), ng pananakit at pambabastos sa Philippine Fencing Association (PFA) President Rene Peter Paul Lladoc Gacuma.

Ayon sa ulat ng Manila Bulletin at Spin.ph, nakunan ng CCTV footage ang insidente kung saan makikita si Gomez na sumapok sa likod ng ulo ni Gacuma habang ito’y papalayo na. Sa kanyang liham kay PH SEAG Chef de Mission Dr. Raul Canlas, sinabi ni Gacuma na nagsimula ang tensyon nang palitan ng komite si Alexa Larrazabal ng Hanniel Abella para sa Individual Women’s Epee event.

Sa salaysay ni Gacuma, nagbigay umano ng babala si Gomez: “Pa-Congress ko lahat ng Directors ng PFA para tignan natin kung may budget pa kayo makukuha.” Dagdag pa niya, bago ang pananakit ay sinaktan siya ni Gomez sa pamamagitan ng pagtapak nang malakas sa kanyang paa at pagpisil nang madiin sa kanyang hinlalaki na tila gustong dislokahin.

Bukod sa pisikal na pananakit, sinabi ni Gacuma na tinawag pa siya ni Gomez ng “HR ka lang!” — isang insultong aniya’y nakapanliliit sa kanyang posisyon bilang pangulo ng asosasyon.

Si Gomez, bukod sa pagiging kongresista, ay kilala ring sportsman at kasalukuyang POC vice president at PFA director. Dumalo siya sa SEA Games hindi lamang bilang opisyal kundi bilang atleta sa shooting competition, kung saan nakakuha siya ng silver medal, at bilang ama ng fencer na si Juliana Gomez.

Sa panig ni Gacuma, sinabi niyang ikinokonsidera na niyang kumonsulta sa legal counsel at magsampa ng kaso laban kay Gomez dahil sa umano’y physical at verbal abuse.

Ang insidente ay nagdulot ng matinding reaksyon mula sa sports community at publiko. Marami ang nagsabing “Richard Gomez is so unbecoming of a public official”, at nanawagan ng masusing imbestigasyon upang mapanagot ang kongresista kung mapatunayang totoo ang mga alegasyon.

Larawan mula Facebook