Diskurso PH
Translate the website into your language:

GCash, pwede nang pambayad pamasahe sa EDSA Busway — walang dagdag singil

Marijo Farah A. BenitezIpinost noong 2025-12-18 12:25:48 GCash, pwede nang pambayad pamasahe sa EDSA Busway — walang dagdag singil

DISYEMBRE 18, 2025 — Mas pinadali ang pagbabayad ng pamasahe sa EDSA Busway matapos ilunsad ng Department of Transportation (DOTr) ang bagong cashless system gamit ang GCash. Sa Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX), inanunsyo ni Acting Transportation Secretary Giovanni Lopez ang paggamit ng “scan-to-pay” QR code bilang alternatibong paraan ng pagbabayad.

Ayon kay Lopez, ang hakbang ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na gawing mas magaan at tuluy-tuloy ang biyahe ng mga pasahero. 

“This cashless payment is a major step so that we can say that the travel of our commuters is now more convenient,” pahayag niya.

(Ito pong cashless payment ay isang malaking hakbang para masabi nating mas maginhawa na ang biyahe ng ating mga pasahero.) 

Ang sistema ay gumagamit ng SoundPay device mula sa GCash for Business. Kapag nakumpleto ang transaksyon, tutunog ang aparato bilang kumpirmasyon. 

Kailangan lamang:

  1. Buksan ng pasahero ang GCash app
  2. Piliin ang “scan to pay QR code” 
  3. I-scan ang code na hawak ng konduktor
  4. Ilagay ang halaga, at pindutin ang “pay” 

Walang karagdagang convenience o transaction fee, kaya eksaktong pamasahe ang babayaran.

Mananatili rin ang 20% diskwento para sa estudyante, senior citizen, at PWD kahit sa cashless na pagbabayad. 

“It’s not only the modernization of our infrastructure that we need … Above all, we must modernize what we call public service or the overall passenger experience,” dagdag ni Lopez.

(Hindi lang modernisasyon ng imprastruktura ang kailangan… higit sa lahat, dapat iangat ang tinatawag nating pampublikong serbisyo o kabuuang karanasan ng pasahero.) 

Ayon naman kay GCash for Business head Jong Layug, bahagi ito ng mas malawak na layunin ng kumpanya na gawing mas madali ang pang-araw-araw na transaksyon ng mga Pilipino. 

“And this is just the next step of where we are now. We still have a lot of work to do,” aniya.

(Ito ay susunod na hakbang mula sa kinaroroonan natin ngayon. Marami pa kaming kailangang gawin.)

Nagsimula na ang DOTr at GCash sa MRT-3 noong Hulyo, at nakatakdang palawakin pa sa LRT-1 at LRT-2. Binanggit ni Lopez na hindi dito matatapos ang rollout, dahil target din ng ahensya na ipatupad ang cashless system sa iba pang pampublikong sasakyan gaya ng jeepney at bus.

Sa kasalukuyan, 260 busway units na ang may SoundPay device, habang tinatayang 500 bus ang bumibiyahe araw-araw sa EDSA Busway na may 200,000 pasahero. Isasailalim sa isang taong pilot implementation ang sistema bago tuluyang ipatupad nang mas malawak.



(Larawan: @dotrphilippines | Instagram)