Gomez: Hindi ko sinaktan si Gacuma, nag-confrontation lang
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-12-18 17:50:02
December 18, 2025 — Nilinaw ni Leyte Rep. Richard “Goma” Gomez ang kanyang panig kaugnay ng mainit na banggaan nila ni Philippine Fencing Association (PFA) President Rene Gacuma sa 33rd Southeast Asian Games sa Thailand.
Ayon kay Gomez, hindi pananakit ang nangyari kundi matinding pagtatalo matapos ang desisyon ng PFA na hindi ipalaro ang top-ranked fencer na si Alexa Larrazabal sa women’s individual epee.
Sa panayam ng News5, ikinuwento ni Gomez na siya mismo ang tumutol sa biglaang pagbabago. “Nagkaroon kami ng confrontation doon sa venue ng fencing… Ang ginawang desisyon, ‘yung No. 1 fencer sa epee, the night before, bigla nilang tinanggal, hindi nila pinalaro,” aniya.
Dagdag pa niya, hindi pa nangyari sa Philippine fencing na ang pinakamataas ang ranggo ay hindi makalaban. “Never nangyari sa amin ‘yan na No. 1 fencer ka, tapos hindi ka pinalaro,” giit niya.
Tungkol naman sa CCTV footage na kumakalat, sinabi ni Gomez na hindi pa niya ito napapanood. “Hindi ko nakita ‘yung video eh pero nagkaroon kami ng confrontation habang nag-uusap kami. I was so mad. When the country is fighting for a medal, hindi mo ipapasok ‘yung mahina na player,” paliwanag niya.
Mariin din niyang itinanggi ang alegasyon ng pananakit. “Eh siya lumalapit sa akin eh. Alangan namang halikan ko siya doon. Kung lumapit siya sa akin, eh ‘di sige, kung ‘yun ang gusto niya, sino ba naman ako para umatras,” dagdag ni Gomez.
Bukod sa isyu ng lineup, binanggit pa ng kongresista na matagal nang nakakaranas ng pambubully si Larrazabal mula sa ilang opisyal ng PFA. “Prior to that, months before that, binu-bully nila si Alexa. Sabi ko, you don’t bully an athlete. ‘Wag n’yo bastusin mga athlete. Pa-file ko rin siya ng kaso for bullying our athlete,” aniya.
Sa kabila ng reklamo ni Gacuma na siya’y sinaktan at ininsulto, nanindigan si Gomez na ang kanyang galit ay nakatuon sa desisyon ng PFA at sa umano’y hindi patas na pagtrato sa atleta. Iginiit niyang handa siyang magsampa ng kaso laban sa asosasyon upang ipagtanggol si Larrazabal.
