Diskurso PH
Translate the website into your language:

Pabuya para sa anumang impormasyon sa pagkawala ng bride-to-be sa QC, umakyat na sa P150,000

Marijo Farah A. BenitezIpinost noong 2025-12-18 18:14:52 Pabuya para sa anumang impormasyon sa pagkawala ng bride-to-be sa QC, umakyat na sa P150,000

DISYEMBRE 18, 2025 — Patuloy na lumalalim ang misteryo sa pagkawala ng bride-to-be na si Sherra De Juan, apat na araw bago ang nakatakdang kasal sa Quezon City. Sa kabila ng masinsinang imbestigasyon, wala pa ring malinaw na bakas kung saan siya naroroon.

Itinaas na sa P150,000 ang pabuya para sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon na makatutulong sa pagtunton sa kanya. Ang kanyang fiancé na si Mark Arjay Reyes ang siyang nanawagan sa publiko sa pamamagitan ng social media.

“Your kindness gives us strength – but we still need more eyes, more shares, and more people helping,” ani Reyes. 

(Ang inyong kabutihan ang nagbibigay sa amin ng lakas – ngunit kailangan pa namin ng mas maraming mata, mas maraming pagbabahagi, at mas maraming tumutulong.)

Ayon kay Reyes, huling nagpadala ng mensahe si De Juan noong Disyembre 10, bandang ala-una ng hapon, bago siya pumunta sa Fairview Center Mall upang bumili ng sapatos para sa kasal. Naiwan umano ang cellphone nito sa bahay habang nagcha-charge.

Lumabas sa CCTV na nakita si De Juan sa tapat ng isang gasolinahan sa Barangay North Fairview at sumakay ng bus. Hanggang doon pa lamang ang natukoy ng mga awtoridad.

Sinabi ni Police Major Jennifer Gannaban ng Quezon City Police District na mahirap ang kaso dahil walang matibay na ebidensya. 

“Possible nga raw na run-away bride,” wika ni Gannaban. “Sa atin, tinitingnan natin lahat talaga. Hindi natin masasabi po sa ngayon na gano’n kasi kailangan makakuha tayo ng ebidensya talaga.”

Samantala, kinumpirma ni Col. Randy Glenn Silvio, direktor ng QCPD, na si Reyes ay itinuturing na person of interest dahil siya ang huling nakipag-ugnayan kay De Juan. 

“He is being investigated, but he is not a suspect,” paglilinaw ni Silvio. 

(Iniimbestigahan siya, ngunit hindi siya suspek.)

Patuloy na sinusuri ng mga imbestigador ang cellphone ni De Juan at binabalikan ang mga CCTV sa mga posibleng dinaanan niya. Nakikipag-ugnayan din ang pulisya sa mga transportasyon at seguridad upang mapalawak ang paghahanap.

Sa ngayon, nananatiling palaisipan ang pagkawala ni De Juan, habang ang pamilya at publiko ay umaasang may magbibigay ng impormasyon kapalit ng pabuya.



(Larawan: Mark Arjay Reyes | Facebook)