Pambubully sa anak ng corrupt na politiko: gawing normal na ba?
ジェラルド・エリカ・セヴェリーノ Ipinost noong 2025-08-29 09:24:21
Mainit na usapin ngayon sa social media ang mga anak ng ilang politiko. Sa gitna ng mga alegasyon ng korapsyon, lalo na sa flood control project, marami sa kanila ang binabatikos dahil sa mga post na nagpapakita ng marangyang buhay, mamahaling gamit, bakasyon, at magarbong kasiyahan.
Para sa maraming netizen, insulto ito. Habang libo-libong Pilipino ang nagdurusa sa baha at hirap sa araw-araw, may mga anak ng politiko na tila walang pakialam at abala sa pagpapakita ng kanilang kayamanan. Kaya’t mabilis silang naging target ng pambubully: binabanatan, pinapahiya, at kinukutya online.
Ngunit nararapat bang gawing normal ang ganitong asal?
May punto ang publiko: mahirap sikmurain na may mga pamilyang sangkot sa isyu ng korapsyon, tapos makikita ang kanilang mga anak na tila ipinapamukha ang yaman. Natural lang ang galit. Ngunit iba pa rin ang makipaglaban sa katiwalian kaysa manadya ng tao online.
Hindi dapat malihis ang atensyon. Ang dapat panagutin ay ang mismong mga opisyal na nasa likod ng proyekto, hindi ang mga anak na nadadamay dahil sa apelyido. Kapag masyadong nakatutok ang publiko sa pambubully, natatabunan ang mas mahalagang isyu, ang katiwalian at maling paggamit ng pondo ng bayan.
Kung ipagpapatuloy ang ganitong gawain, baka masanay tayo na normal lang ang pambubully basta’t anak ng makapangyarihan ang target. Pero kapag naging normal ang pambubully sa kahit sino, lumalabo ang linya sa pagitan ng tama at mali.
Kaya ang hamon ngayon: ituloy ang panawagan para managot ang mga corrupt na opisyal, pero huwag gawing libangan ang pambubully sa kanilang mga anak. Ang laban dapat ay para sa hustisya, hindi para sa personal na panlalait.