PH談話
ウェブサイトをあなたの言語に翻訳します。

Terence Crawford naging undisputed champ sa tatlong weight classes

マーグレット・ダイアン・フェルミンIpinost noong 2025-09-15 07:35:59 Terence Crawford naging undisputed champ sa tatlong weight classes

LAS VEGAS — Sa isang laban na tinaguriang “superfight” ng dekada, ginulat ni Terence “Bud” Crawford ang mundo ng boksing matapos talunin si Saúl “Canelo” Álvarez sa pamamagitan ng unanimous decision sa Allegiant Stadium, Linggo ng gabi (oras sa U.S.). Ang laban ay eksklusibong ipinalabas sa Netflix, na nagmarka ng bagong yugto sa digital na pag-broadcast ng mga malalaking sporting event.

Si Crawford (42-0, 31 KOs), na umakyat ng dalawang weight divisions mula welterweight patungong super middleweight, ay naging kauna-unahang lalaking boksingero sa kasaysayan ng four-belt era na naging undisputed champion sa tatlong magkakaibang weight classes.

“I told y’all, I’m not here just by coincidence,” ani Crawford matapos ang laban. “God blessed me. He made this event, and he made this night just for me. I’ve been telling y’all that.”

Sa kabuuan ng 12 rounds, ipinamalas ni Crawford ang kanyang bilis, timing, at matalinong footwork upang pigilan ang agresibong estilo ni Canelo (63-3-2, 39 KOs). Bagamat nakatama si Canelo ng malalakas na suntok sa ikaapat na round, mabilis itong nabawi ni Crawford sa pamamagitan ng mga counter punches at kombinasyon.

Nagkaroon ng tensyon sa Round 9 nang magka-banggaan ang kanilang ulo, na nagdulot ng hiwa sa kanang kilay ni Crawford. Gayunpaman, hindi ito naging hadlang sa kanyang dominasyon sa huling bahagi ng laban.

“I’ve got to take my hat off to him,” ani Crawford tungkol kay Canelo. “He’s a strong competitor. Like I’ve said before, I got nothing but respect for Canelo. I’m a big fan of Canelo, and he fought like a champion today.”

Ayon sa CompuBox, si Crawford ay tumama ng 165 sa 442 na suntok (37%), habang si Canelo ay may 132 sa 347 (38%).

Sa kabila ng pagkatalo, nanatiling maginoo si Canelo at bukas sa posibilidad ng rematch. “I feel great to share the ring with great fighters like him. If we do it again, it’s going to be great. My legacy is already there. I [am] still taking risks because I love boxing,” ani Alvarez.

Ang laban ay pinangunahan nina Dana White at Turki Alalshikh, at nagtala ng mahigit 70,000 katao sa stadium — isa sa pinakamalaking gate sa kasaysayan ng boksing sa U.S.

Sa ngayon, hindi pa tiyak ang susunod na hakbang ni Crawford. “Like I said before, I don’t know. [I’ve] got to sit down with my team and we’re going to talk about it,” aniya.

Ang panalong ito ay hindi lamang tagumpay para kay Crawford, kundi isang makasaysayang sandali para sa buong mundo ng boksing.