Cause of death ni Ricky Hatton, di pa din matukoy
マーグレット・ダイアン・フェルミン Ipinost noong 2025-09-15 20:59:47
MANCHESTER, UK — Ayon sa pahayag ng Greater Manchester Police, “There are not currently believed to be any suspicious circumstances” kaugnay ng kanyang pagkamatay. Bagama’t may mga haka-haka sa social media, wala pang opisyal na sanhi ng kamatayan ang inilalabas ng mga awtoridad hanggang sa ngayon.
Si Hatton ay kilala hindi lamang sa kanyang agresibong istilo sa ring kundi pati sa kanyang pagiging bukas tungkol sa mga personal na laban sa depresyon, alkoholismo, at addiction. Sa isang panayam noong 2022, inamin niyang nakaranas siya ng matinding pagkalugmok matapos ang kanyang pagkatalo kay Manny Pacquiao noong 2009, at ilang beses na ring nagtangkang magpakamatay.
Bago ang kanyang biglaang pagpanaw, aktibo si Hatton sa social media at nagbahagi pa ng video ng kanyang pag-eensayo para sa nakatakdang comeback fight sa Dubai ngayong Disyembre. “Evening run in the bag. Don’t worry about our kid,” aniya sa kanyang huling post.
Nagbigay-pugay ang mga kilalang personalidad tulad nina Manny Pacquiao, Tyson Fury, David Beckham, at Wayne Rooney. “Ricky was one of a kind,” ayon kay Beckham sa Instagram. Si Pacquiao naman ay nagsabing, “His contributions to boxing will always be remembered. May he rest in peace”.
Habang naghihintay pa rin ang publiko sa opisyal na resulta ng imbestigasyon, nananatiling sentro ng alaala si Hatton bilang isang mandirigma sa ring at isang tao na hindi natakot ipaglaban ang kanyang mental health sa harap ng mundo.