Diskurso PH
Translate the website into your language:

DPWH sablay; 22 silid-aralan lang natapos sa target na 1,700

Margret Dianne FerminIpinost noong 2025-10-21 09:01:14 DPWH sablay; 22 silid-aralan lang natapos sa target na 1,700

MANILA — Sa kabila ng target na 1,700 silid-aralan para sa taong 2025, tanging 22 lamang ang natapos ng Department of Public Works and Highways (DPWH), ayon kay Secretary Vince Dizon sa pagdinig ng Senate Committee on Finance noong Oktubre 20.

“For 2025 po, out of 1,700 na dapat gawin, 22 pa lang po ang completed at 882 po ang ongoing,” pahayag ni Dizon. “At meron pong 882 na not even started. It's a very deplorable rate of only 15.43%”.

Ang mababang completion rate ay ikinadismaya ni Senador Bam Aquino, chairman ng Senate Committee on Basic Education. “You can’t explain that. Even just saying it, my heart aches that only 22 classrooms were completed,” ani Aquino. Dagdag pa niya, kung magpapatuloy ang ganitong bilis ng konstruksyon, maaaring umabot sa 200,000 ang classroom backlog sa 2028 mula sa kasalukuyang 146,000.

Bukod sa mabagal na pagpapatayo ng mga silid-aralan, binigyang-diin din ni Aquino na halos isang-katlo ng badyet ng DPWH ay napunta sa flood control projects, na siyang naging prayoridad ng ahensya sa nakaraang taon. Ang mga proyektong red-flagged ay posibleng kumain ng kalahati ng kabuuang badyet ng DPWH, ayon sa mga ulat.

Si Dizon ay itinalaga bilang bagong kalihim ng DPWH noong Setyembre matapos magbitiw si dating Secretary Manuel Bonoan bunsod ng imbestigasyon sa mga flood control projects ng ahensya.

Sa gitna ng mga kontrobersiya, nananawagan ang mga mambabatas ng mas mahigpit na monitoring at accountability upang matiyak na ang pondo ng bayan ay napupunta sa mga proyektong tunay na kapaki-pakinabang sa sektor ng edukasyon.