Diskurso PH
Translate the website into your language:

Kabataan Rep. Co, laptop at iPhone lang ang pinakamahal na pag-aari

Margret Dianne FerminIpinost noong 2025-10-21 11:57:00 Kabataan Rep. Co, laptop at iPhone lang ang pinakamahal na pag-aari

MANILA — Matapos ilabas ang kanyang Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN) na may kabuuang assets na P280,000, naging usap-usapan sa social media kung nakatira pa rin ba sa magulang si Kabataan Party-list Representative Renee Louise Manda Co.

Nilinaw ni Co sa isang panayam sa DZMM na hindi na siya nakatira sa kanyang mga magulang at sinusuportahan na ang sarili. “Ito po ang arrangement sa amin ever since. We understand public service at kinukuha lang natin ay minimum wage and the rest voluntarily dino-donate sa mga full-time activists and other expenses nang mga activities ng mga students at youth organizations,” ani Co.

Ayon sa kanya, ang P280,000 ay bunga ng kanyang ipon mula sa walong buwang pagtatrabaho bilang mambabatas. Bilang isang abogada na nagtapos sa UP College of Law, naniniwala si Co na posible ang simpleng pamumuhay sa serbisyo publiko. 

“Hindi kailangan ng milyon-milyon, hindi kailangan ng hundreds of thousands of pesos para maglingkod sa mga mamamayang Pilipino,” giit niya.

Dagdag pa ni Co, wala siyang credit card at wala ring utang. Ang pinakamamahalin niyang pag-aari ay isang laptop at iPhone 11. “Hindi pa naman siya sira kaya di pa kailangan palitan. Alagaan lang mabuti,” aniya.

Ang SALN ni Co ay bahagi ng transparency initiative ng Makabayan bloc sa Kamara. Sa tala, si ACT Teachers Party-list Rep. Antonio Tinio ang may pinakamalaking assets na P10.9 milyon, sinundan ni Gabriela Party-list Rep. Sarah Elago na may P1,039,600, at si Co na may P280,000.

Sa kabila ng maliit na net worth, nananatiling aktibo si Co sa pagsusulong ng mga adbokasiya para sa kabataan, edukasyon, at good governance.

Larawan mula kay KABATAAN PARTYLIST