Marcoleta, duda sa paghingi ng tulong ng ICI sa DOJ — 'Akala ko ba ang ICI ay independent?'
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-10-21 14:54:43
OKTUBRE 21, 2025 — Binatikos ni Senador Rodante Marcoleta ang Independent Commission for Infrastructure (ICI) sa umano’y pagdepende nito sa Department of Justice (DOJ) para sa ilang proseso ng imbestigasyon, sa kabila ng pagiging “independent” nito sa papel.
Sa deliberasyon ng panukalang budget ng DOJ para sa 2026, kinuwestiyon ni Marcoleta kung paano maituturing na malaya ang ICI kung humihingi ito ng tulong sa mga piskal ng DOJ para sa pagsusuri ng ebidensya.
“Akala ko ba ang ICI ay independent body?” tanong ni Marcoleta kay DOJ OIC-Secretary Frederick Vida. “Ba’t kinakailangan siya humingi ng tulong sa mga fiscal ninyo o prosecutors? That is not being independent.”
Ipinaliwanag ni Vida na bagama’t may sariling mandato ang ICI bilang fact-finding body, karaniwan itong humihingi ng impormasyon mula sa DOJ at humihiram ng mga piskal upang tumulong sa pagproseso ng mga dokumento. Aniya, walang banggaan sa tungkulin dahil ang ICI ay hindi nagsasampa ng kaso, kundi nagsusumite lang ng mga resulta ng imbestigasyon sa DOJ o sa Ombudsman.
Dagdag pa ni Vida, may umiiral na kasunduan sa pagitan ng DOJ at Ombudsman mula pa noong 2012. Sa ilalim nito, ang DOJ ang may saklaw sa mga kasong may salary grade 26 pababa, habang ang Ombudsman naman ang may hurisdiksyon sa mga opisyal na may salary grade 27 pataas. Gayunpaman, lahat ng impormasyong makakalap ng DOJ ay kalaunan ding isinusumite sa Ombudsman.
Hindi rin kumbinsido si Marcoleta sa lawak ng kapangyarihan ng ICI, lalo’t maaari itong humingi ng impormasyon mula sa Senado, Kamara, korte, Ombudsman, at iba pang ahensya.
“Papaano kang independent eh andami mong kinakasangkapan, hingi ka nang hingi [ng impormasyon]? You should obtain the information by yourself all alone. Yun ang independent,” giit ng senador.
Sa parehong pagdinig, nilinaw ni DOJ Prosecutor General Richard Anthony Fadullon na walang dobleng trabaho sa pagitan ng DOJ at ICI. Aniya, sa mga imbestigasyong isinasagawa ng DOJ katuwang ang National Bureau of Investigation (NBI), naroon din ang mga kinatawan ng ICI upang matiyak na may koordinasyon sa mga hakbang na ginagawa.
“There would be no duplication, sir, because in the investigation which are conducted by the DOJ with the assistance of the NBI, during the meetings that we have, members of, or representatives from the ICI are also present and we supply them and we furnished them copies of whatever the results are of the investigation just to make sure that ICI is also informed of the actions being taken by the DOJ,” paliwanag ni Fadullon.
(Walang dobleng trabaho, sir, kasi sa mga imbestigasyong ginagawa ng DOJ kasama ang NBI, naroon din ang mga kinatawan ng ICI at binibigyan namin sila ng kopya ng resulta ng imbestigasyon para alam nila ang mga hakbang ng DOJ.)
(Larawan: Senate of the Philippines | Facebook)