Bela Padilla, inaming hindi sang-ayon sa mga ideologies ni Sen. Robin Padilla
ロベル・A・アルモゲラ Ipinost noong 2025-09-13 02:51:23
MANILA — Tapat na inamin ng aktres na si Bela Padilla na halos lahat ng ideolohiya at paninindigan ng kanyang tito na si Senator Robin Padilla ay hindi niya sinasang-ayunan. Sa isang panayam sa YouTube channel ni Karen Davila, diretsahang sinabi ni Bela: “I don’t. I don’t. Actually, I don’t think I agree with 99 percent of the things he has been fighting for recently, or the things he, the ideologies he has.”
Nilinaw niya na magka-dugo sila ni Sen. Robin, ngunit magkaiba ang kanilang pananaw sa buhay. Ayon kay Bela, malaking bahagi ng kanilang pagkakaiba ay nakaugat sa relihiyon. “Muslim si Sen. Robin samantalang lumaki ako sa paniniwala ng Jehovah’s Witnesses. Mula pa lamang sa pundasyon, magkaiba na ang aming prinsipyo,” paliwanag niya.
Sa kabila ng hindi pagsang-ayon sa ideolohiya ng kanyang tiyo, hindi itinanggi ni Bela ang kanyang paghanga sa kabutihan ng loob nito. “He has such a good heart, but I would do things differently,” dagdag niya, na inilarawan si Robin bilang isa sa pinakamabait at pinakabukas-palad na tao na kanyang kilala.
Bukod sa usaping pulitika, tinanong din si Bela tungkol sa kanyang love life. Inamin niya na hiwalay na siya ng longtime boyfriend na si Norman Ben Bay matapos ang apat na taong relasyon. Ang pangunahing dahilan ay magkaiba sila ng nais na permanenteng tirahan—si Bela ay bumalik sa Pilipinas, habang si Norman ay hindi nais tumira dito.
Sa kabila ng pagiging bahagi ng kilalang Padilla clan, napatunayan ni Bela na ang kanyang talento, charm, at personalidad ang nagdala sa kanya sa tagumpay bilang artista, manunulat, at direktor. (Larawan: Karen Davila / Fb)