Fashion at musika magsasanib sa Fast Zone ng SB19
マーグレット・ダイアン・フェルミン Ipinost noong 2025-09-12 08:32:06
MANILA — Sa pagdiriwang ng kanilang ika-7 anibersaryo, muling nagpakitang-gilas ang P-pop group na SB19 sa isang kakaibang proyekto na pinamagatang “Fast Zone,” isang fashion at music experience na isinakatuparan kasama ang kilalang Filipino designer na si Francis Libiran.
Gaganapin ang “Fast Zone” sa October 26, 2025 sa Smart Araneta Coliseum. Ayon sa SB19 at 1Z Entertainment, ang event ay isang “high-octane fashion & music experience” na magtatampok ng premiere couture collection ni Libiran, kasabay ng bagong tunog at visual identity ng grupo. “7 Years. One Zone. Now, a runway,” ayon sa teaser ng SB19.
Hindi ito ang unang pagkakataon na nag-collaborate ang SB19 at Libiran. Siya rin ang nasa likod ng iconic black-and-white barongs ng grupo sa 2023 Asia Artist Awards, pati na rin ang “Sinag”-themed barongs ng Team Philippines sa Paris Olympics. Sa mga behind-the-scenes video, makikita ang paghahanda ng grupo para sa event, kabilang ang fitting ng intricately tailored outfits at cinematic visuals.
Presale Schedule at Ticket Prices
- Metrobank Online Presale: Setyembre 15
- GCash Onsite Presale: Setyembre 16–17
- General Ticket Sale: Setyembre 18
- Gen Ad - P1,900
- Upper Box - P3,500
- Lower Box - P7,000
- Patron - P9,500
- VIP - P12,000
Nag-viral ang trailer ng “Fast Zone” sa YouTube, kung saan pinuri ng fans ang aesthetic, concept, at execution ng proyekto. Maraming reaction videos ang lumabas, na nagpapakita ng emosyonal na tugon ng mga netizens sa pagsasanib ng musika at disenyo.
Sa opisyal na trailer, binigyang-diin ang mensahe ng proyekto: “Beyond trend. Beyond sound. Welcome to the FAST ZONE.” Isa itong paanyaya sa mga manonood na lumampas sa karaniwang concert experience—isang pagsilip sa hinaharap ng P-pop at Filipino fashion.
Sa “Fast Zone,” hindi lamang musika ang tampok kundi pati sining, disenyo, at identidad. Patunay ito na ang SB19 ay hindi lamang performers kundi cultural trailblazers sa bagong henerasyon.
Larawan mula sa SB19 YouTube Channel