Tooth-Eye Surgery: 75-anyos na babaeng bulag, ginamit ang kanyang ngipin para makakitang muli?
ロベル・A・アルモゲラ Ipinost noong 2025-08-22 23:39:53
CANADA — Isang pambihirang kwento ng pag-asa at tagumpay sa medisina ang naganap sa Canada matapos muling makakita ang isang 75-anyos na babae na halos isang dekada nang bulag.
Kinilala ang pasyente bilang si Gail Lane, na nawalan ng paningin matapos sirain ng isang autoimmune disease ang kanyang mga cornea. Ayon sa mga doktor, noon ay wala nang lunas sa kanyang kondisyon, dahilan para tanggapin ni Gail na habambuhay na siyang mabubuhay sa dilim.
Ngunit nagbago ang lahat dahil sa isang groundbreaking procedure na tinatawag na Osteo-Odonto-Keratoprosthesis (OOKP) o mas kilala sa bansag na “tooth-eye surgery.”
Sa kakaibang operasyong ito, kinuha ng mga surgeon ang isang ngipin ni Gail, nilagyan ito ng maliit na lens, at itinanim sa kanyang mata. Ang ngipin ang nagsilbing natural na “anchor” para sa artificial cornea, na naging daan para muling magkaroon ng paningin ang matanda.
Matapos ang matagumpay na operasyon, muling nasilayan ni Gail ang mga mukha ng kanyang mga mahal sa buhay, ang makukulay na bulaklak, at maging ang kislap ng sikat ng araw—mga bagay na matagal nang nawala sa kanya.
Itinuturing ng mga eksperto ang operasyon bilang perpektong pagsasanib ng dentistry, ophthalmology, at makabagong medisina.
Ang tagumpay na ito ay nagbibigay ng pag-asa hindi lamang kay Gail, kundi pati na rin sa libu-libong pasyente sa buong mundo na dumaranas ng parehong kondisyon. (Larawan: Times Colonist / Google)