Stephen Curry, napatawa sa estatwa sa China: ‘Mas kamukha raw siya sa Stepping Curry ng Philippines’
ジェラルド・エリカ・セヴェリーノ Ipinost noong 2025-08-23 09:30:52
Chongqing, China — Naging viral ang pahayag ni NBA superstar Stephen Curry matapos ipakita sa kanya ang estatwa na ginawa bilang tribute sa kanya sa China. Imbes na matuwa lamang, pabirong sinabi ng four-time NBA champion na hindi naman daw siya ang kahawig ng rebulto kundi isang Pilipino na lagi raw ipinapadala ng fans sa kanyang Instagram.
“It looks more like the guy from the Philippines that people keep sending me pictures of on Instagram,” ani Curry.
Ang tinutukoy niya ay si Sherwin Altagracia, mas kilala bilang “Stepping Curry.” Isa siyang Boholano na minsang lumahok sa segment na “Kalokalike” ng ABS-CBN noontime show na It’s Showtime. Sa nasabing palabas, ginaya niya ang itsura at estilo ng Golden State Warriors guard, dahilan para mapansin at makilala siya bilang lokal na “twin” ni Curry.
Mula noon, naging kilala na si Stepping Curry sa social media. Kadalasan ay iniimbita siya sa iba’t ibang community at basketball events dahil sa kakaibang pagkakahawig niya sa NBA star—mula sa gupit, balbas, at maging sa kanyang porma sa paglalaro. Kahit mas maliit siya sa tunay na Curry, madalas siyang pinapalakpakan at tinatanggap ng tao na parang tunay na superstar.
Dahil sa komento ni Curry, muling sumiklab online ang mga memes at side-by-side photos ng estatwa sa China, si Stephen Curry mismo, at si Stepping Curry. Maraming netizens ang natuwa na mismong idolo ang nakapansin sa kanyang Pinoy “kalokalike.”
Sa kabila ng biro, pinasalamatan pa rin ni Curry ang kanyang fans sa China. Aniya, nakakataba ng puso na makita ang ganitong klaseng suporta at pagpapahalaga, kahit na minsan ay hindi eksaktong magkahawig ang kanilang mga ginagawa para sa kanya.