‘Doble parusa’ sigaw ng TNVS groups sa booking cancellation rules
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-12-15 13:28:00
December 15, 2025 - Isang grupo ng Transport Network Vehicle Service (TNVS) drivers ang nagpahayag ng pagtutol sa bagong kautusan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na nagpapataw ng multa sa mga driver na nagkakansela ng bookings nang walang sapat na dahilan.
Ayon sa Laban TNVS, hindi makatarungan ang panibagong parusa dahil mayroon nang mahigpit na regulasyon mula sa mga transport network companies (TNCs) laban sa mga driver na nagkakansela ng biyahe.
Sa panayam sa telebisyon, sinabi ni Laban TNVS president Leonardo “Jun” de Leon, “Tutol po tayo sa memorandum circular na inilabas ng LTFRB patungkol po diyan sa issue na ’yan dahil po sa transport network companies ay mabigat na ang multa o parusa ng TNC sa ating mga TNVS drivers kapag kami po ay nagkansela ng bookings nang walang valid reason.” Dagdag pa niya, doble parusa ang mangyayari kung ipatutupad pa ng LTFRB ang bagong panuntunan.
Batay sa memorandum circular na inilabas ng LTFRB noong Disyembre 11, papatawan ng multa ang mga driver na nagkakansela ng bookings upang iwasan ang mga “short distance” o “nonprofitable” trips, at sa halip ay pumipili ng mas mataas na pamasahe.
Ayon kay LTFRB Chair Vigor Mendoza II, ang hakbang ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na unahin ang kapakanan ng mga commuter. “This is to ensure that passengers are not inconvenienced and that their welfare is prioritized,” ani Mendoza.
Gayunman, iginiit ng Laban TNVS na hindi isinasaalang-alang ng LTFRB ang mga sitwasyong hindi kontrolado ng mga driver, gaya ng biglaang pagkasira ng sasakyan, emergency, o maling impormasyon mula sa pasahero.
“Kung may mga pagkakataon na hindi talaga kayang ituloy ang biyahe, hindi dapat agad na parusahan ang driver. May mga valid reasons na dapat kilalanin,” paliwanag ni de Leon.
Nagbabala rin ang grupo na maaaring magdulot ng pangamba sa mga driver ang bagong patakaran, na posibleng magresulta sa pagbawas ng bilang ng TNVS na handang bumiyahe. Anila, mas makabubuti kung makikipag-ugnayan muna ang LTFRB sa mga stakeholders bago magpatupad ng karagdagang regulasyon.
Sa kasalukuyan, nananatiling mainit ang diskusyon sa pagitan ng LTFRB at mga TNVS groups hinggil sa tamang balanse ng kapakanan ng mga commuter at karapatan ng mga driver. Inaasahan na magpapatuloy ang konsultasyon upang matukoy kung paano maisasakatuparan ang layunin ng pamahalaan nang hindi naaapektuhan ang kabuhayan ng mga TNVS drivers.
Larawan mula Laban TNVS
