PNP, pinaigting ang laban kontra banned firecrackers — P20,000 multa, posibleng pagkakakulong
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-12-16 10:42:00
DISYEMBRE 16, 2025 — Pinaigting ng Philippine National Police (PNP) ang operasyon laban sa ilegal na paggawa at pagbebenta ng ipinagbabawal na paputok, lalo na sa mga online platform, kasabay ng pagtaas ng demand tuwing papalapit ang Bagong Taon.
Ayon kay Col. Rex Buyucan, hepe ng Explosive Management Division ng PNP Firearms and Explosives Office, mas pinaigting ng Anti-Cybercrime Group ang cyber-patrolling upang matukoy ang mga nagbebenta ng delikadong paputok sa internet.
“There was a discussion on the aspect of the delivery of prohibited firecrackers and pyrotechnic materials because what we are protecting here is the safety of the community,” aniya.
(Nagkaroon ng talakayan hinggil sa pag-deliver ng ipinagbabawal na paputok at pyrotechnic materials dahil ang pinangangalagaan natin dito ay ang kaligtasan ng komunidad.)
Ipinahayag ni Buyucan na may mga naaresto na sa nakalipas na mga linggo, at patuloy pang palalakasin ang operasyon hanggang sumapit ang bisperas ng Bagong Taon. Nakipag-ugnayan na rin ang PNP sa Department of Trade and Industry (DTI), Bureau of Customs, at ilang delivery platforms upang pigilan ang distribusyon ng mga bawal na paputok.
Batay sa Republic Act 7183, ang sinumang mahuhuling nagbebenta o gumagamit ng ipinagbabawal na paputok ay maaaring makulong ng hanggang isang taon at pagmultahin ng ₱20,000.
Kabilang sa mga pamantayan ng bawal na paputok ang sobrang bigat na lampas 0.2 gramo ng pulbura, kawalan ng tamang label ng manufacturer, at fuse na mas mababa sa tatlong segundo ang pagkasunog.
Samantala, inilunsad ng environmental group na BAN Toxics ang taunang “Iwas Paputok” campaign na dinaluhan ng mahigit 2,000 estudyante, guro, at magulang.
Ayon kay Thony Dizon ng BAN Toxics, “The public, especially children, should be encouraged to avoid buying and using firecrackers.”
(Dapat hikayatin ang publiko, lalo na ang mga bata, na umiwas sa pagbili at paggamit ng paputok.)
Batay sa tala ng Department of Health (DOH), tumaas ng 38 porsiyento ang kaso ng mga nasugatan dahil sa paputok — mula 610 noong 2024 tungo sa 843 ngayong 2025.
Heto ang listahan ng ipinagbabawal na mga paputok:
- Watusi
- Pop-pop
- Pla-pla
- Piccolo
- Five star
- Giant Bawang
- Giant Whistle Bomb
- Atomic Bomb
- Large-size Judas Belt
- Super Lolo
- Goodbye Bading
- Lolo Thunder
- Mother Rockets
- Bin Laden
- Kalabsi
- Super Yolanda
- Boga
- Kwiton
- Hello Columbia
- King Kong
- Dart Bomb
- GPH Nuclear
- Tuna
- Goodbye Chismosa
- Goodbye Philippines
- Goodbye De Lima
- Goodbye Napoles
Ang PNP ay nanawagan sa publiko na umiwas sa paggamit ng mga ito at pumili ng ligtas na alternatibo para sa mas payapang pagdiriwang ng Bagong Taon.
(Larawan: Philippine News Agency)
