Diskurso PH
Translate the website into your language:

‘Billionaire’s Village’ sa Benguet, kinaladkad sa flood control scandal

Margret Dianne FerminIpinost noong 2025-10-31 11:58:57 ‘Billionaire’s Village’ sa Benguet, kinaladkad sa flood control scandal

BENGUET — Usap-usapan ngayon ang tinaguriang “Billionaire’s Village” sa hilaga, ang Alphaland Baguio Mountain Lodges sa Tukmoambokla Road, Itogon, Benguet. Kilala ito bilang exclusive vacation enclave na dinadayo ng mga bigating negosyante, artista, at politiko. Ilan sa kanila ay nasasangkot umano sa kontrobersyal na flood control scandal, ayon sa isang ulat ng Bilyonaryo News Channel.

Sa tuktok ng isang malawak na bundok na may 100 ektaryang lupain, nakatayo ang magkakahanay na mararangyang log homes. Mas malamig pa ang klima rito kaysa mismong Baguio City. Ayon sa website ng Alphaland, nagbukas ang resort-style luxury lodges noong 2018.

Nagkakahalaga ang bawat unit ng ₱60 milyon hanggang ₱100 milyon, depende sa laki. Sa six-bedroom log home, umaabot naman ng ₱150,000 ang overnight rental.

Isang dating miyembro ng Alpha 4 Security, na tumangging magpakilala, ang nagbunyag na noong 2021 ay dumalaw umano sa lugar si dating Ako Bicol partylist representative Zaldy Co, kasama ang pamilya. Dumating umano sila sakay ng Agusta Westland helicopter na nagkakahalagang $16 million.

May five-bedroom unit din umano si Benguet Representative Eric Go Yap, bagay na kinumpirma ng Provincial Assessor’s Office. Base sa kanilang dokumento, ang unit ay may sukat na 525.93 square meters kasama ang 31.13 square meters na parking area.

Nagbunyag rin ang informant na may six-bedroom unit si Senator Francis Escudero, ngunit hindi ito nakapangalan sa senador kundi umano sa Charm of Baguio Log Homes Holdings Inc. Ngunit ayon sa assessor’s office records, wala silang nakitang Alphaland unit na nakapangalan sa senador o sa nabanggit na kompanya.

Sa pagsisiyasat ng BNC, lumitaw sa website ng Alphaland Corporation na kabilang si Sen. Escudero sa kanilang board of directors. Sa official Facebook page ng kumpanya, makikita rin ang mga larawan ng senador at ng kanyang asawa na si Heart Evangelista noong birthday celebration nito at wedding anniversary nila noong February 28, 2020.

Samantala, dito rin ikinasal noong July 28, 2023 si Quezon City 1st District Rep. Arjo Atayde at aktres Maine Mendoza. Bagama’t walang nakatalang pagmamay-ari ang kongresista sa Benguet ayon sa provincial records, sinabi ng impormante na may five-bedroom unit umano si Atayde sa Alphaland.

Patuloy na iniimbestigahan ang mga impormasyong ito habang nananatiling laman ng usapan ang mga pangalan ng ilang personalidad na konektado sa kontrobersyal na luxury village.

Larawan mula Alphaland Baguio Mountain Lodges