₱8.8B LOSS? Fake news, ayon kay GSIS chief
Margret Dianne Fermin  Ipinost noong 2025-10-31 08:32:26 
            	MANILA — Mariing pinabulaanan ni Government Service Insurance System (GSIS) President and General Manager Jose Arnulfo “Wick” Veloso ang mga ulat na nagsasabing nalugi ng ₱8.8 bilyon ang ahensya, sa gitna ng panawagan para sa kanyang pagbibitiw sa puwesto.
Sa isang forum na ginanap sa Quezon City noong Oktubre 30, sinabi ni Veloso: “Your GSIS is making money. There is no truth to that amount that we’ve lost money.” Dagdag pa niya, “We are not politicians here [at GSIS], we are all professionals. All my life, I’ve been a professional banker. We always make sure that your money is safe, that we continue to invest responsibly and ensure that your pension is safe.”
Ang pahayag ay tugon sa House Resolution 415 na inihain ng Makabayan bloc sa Kamara, na humihiling ng imbestigasyon sa umano’y high-risk investments ng GSIS na sinasabing nagdulot ng malaking pagkalugi. Kabilang sa mga mambabatas na naghain ng resolusyon sina Antonio Tinio (ACT Teachers), Sarah Elago (Gabriela), at Renee Co (Kabataan).
Bukod sa mga mambabatas, anim na kasalukuyan at dating GSIS trustees ang lumagda sa isang liham noong Oktubre 14 na nananawagan ng “immediate and irrevocable” resignation ni Veloso. Ayon sa kanila, ang mga desisyong pinansyal ng GSIS ay “violated fiduciary duties” at “threatened the stability” ng pondo ng mahigit 2.6 milyong kawani ng gobyerno.
Tinukoy sa liham ang mga investment sa mga kumpanyang gaya ng Monde Nissin Corporation, Nickel Asia Corporation, Bloomberry Resorts Corporation, Digiplus Interactive Corp., at Alternergy Holdings Corporation. Isa rin sa mga binanggit na kontrobersyal na transaksyon ay ang ₱456-milyong deal sa Figaro Coffee Group at ang planong pagbili ng The Centrum property sa Pasay.
Gayunpaman, iginiit ng GSIS na walang naitalang pagkalugi sa kanilang financial review. Ayon sa ahensya, ang kanilang mga investment ay nakatuon sa long-term growth at national development, alinsunod sa mandato ng GSIS charter.
Sa kabila ng mga batikos, nanindigan si Veloso na hindi siya magbibitiw. “FREE us from politicking,” aniya, habang iginiit na ang GSIS ay pinamumunuan ng mga propesyonal at hindi dapat gawing arena ng pulitika.
Ang GSIS ay isang state-run pension fund na nagbibigay ng insurance at retirement benefits sa mga kawani ng pamahalaan. Patuloy itong binabantayan ng publiko, lalo na sa gitna ng mga isyu sa transparency at pamamahala ng pondo.
