Henry Alcantara, Brice Hernandez, Jaypee Mendoza humirit ng house arrest
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-10-13 18:18:09
OKTUBRE 13, 2025 — Tatlong dating engineer ng Department of Public Works and Highways (DPWH) mula sa Bulacan ang humiling sa Senado na sila’y ilagay sa house arrest habang patuloy ang imbestigasyon sa umano’y maanomalyang flood control projects.
Kinumpirma ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III na sina Henry Alcantara, Brice Hernandez, at Jaypee Mendoza ay nagsumite ng liham para sa house arrest.
“Letter request pa lang meron silang 3. [The Committee] has not decided. Will wait for [Senator] Erwin [Tulfo],” ani Sotto.
Si Tulfo ang pansamantalang namumuno sa Senate Blue Ribbon Committee, ang panel na nag-cite sa tatlong opisyal sa contempt dahil sa umano’y pagtanggi nilang makipagtulungan sa imbestigasyon.
Cited in contempt si Hernandez noong Setyembre 8, habang sina Alcantara at Mendoza ay sinundan noong Setyembre 18. Kasalukuyan silang nakakulong sa Senado, kasama ang contractor na si Pacifico “Curlee” Discaya II.
Una nang naghain ng habeas corpus petition si Discaya, ngunit tinanggihan ito ng Senado, at iginiit na may kapangyarihan silang magpataw ng contempt order.
Ayon sa Department of Justice (DOJ), provisional pa lang ang status nina Hernandez at Mendoza sa Witness Protection Program. Hindi pa sila itinuturing na state witnesses. Tatlong beses na silang bumisita sa DOJ para sa case build-up kaugnay ng flood control scam.
Wala pang pinal na desisyon kung papayagan ang house arrest. Nananatiling nakaantabay ang Senado sa magiging rekomendasyon ni Tulfo.
(Larawan: Senate of the Philippines | Facebook)