Makasaysayang Archdiocesan Shrine of Santa Rosa de Lima sa Cebu, gumuho!
ロベル・A・アルモゲラ Ipinost noong 2025-09-30 22:51:38
CEBU — Nasira ang bahagi ng makasaysayang Archdiocesan Shrine of Santa Rosa de Lima sa bayan ng Daanbantayan, Cebu matapos ang pagtama ng Magnitude 6.7 na lindol na yumanig sa Bogo City nitong Martes ng gabi, Setyembre 30, 2025.
Ayon sa mga unang ulat, gumuho ang ilang pader at bahagi ng istruktura ng simbahan na isa sa pinakamatandang parokya sa hilagang Cebu. Agad namang naglabasan ang mga residente sa paligid matapos maramdaman ang malakas na pagyanig at mga kasunod na aftershocks.
Itinaas sa Signal 1 ng pag-alerto ang mga bayan sa hilagang Cebu habang nagpapatuloy ang assessment ng pinsala. Nagsasagawa na rin ng inspeksyon ang lokal na pamahalaan at mga eksperto upang matiyak ang kaligtasan ng iba pang gusali, lalo na ang mga lumang istruktura.
Sa ngayon, wala pang iniulat na nasawi, ngunit nananawagan ang mga awtoridad na maging mapagmatyag at iwasan muna ang paglapit sa mga apektadong lugar habang nagpapatuloy ang aftershocks.
Ang Archdiocesan Shrine of Santa Rosa de Lima, na itinayo noong panahon ng mga Kastila, ay hindi lamang sentro ng pananampalataya kundi mahalagang bahagi rin ng kasaysayan at kultura ng Cebu. Ang pagkasira nito ay nagdulot ng lungkot at pangamba sa mga deboto at residente ng Daanbantayan.
Paalala: Manatiling kalmado, mag-ingat sa mga posibleng landslide at structural collapse, at maghanda ng emergency kit.
(Larawan: Archdiocesan Shrine of Santa Rosa de Lima / Facebook)