6-anyos na batang nawawala, pumanaw matapos matagpuan sa Atok Trail
ロベル・A・アルモゲラ Ipinost noong 2025-10-04 00:35:40.jpg)
CORDILLERA — Nauwi sa matinding pagdadalamhati ang pagkakahanap sa 6-anyos na batang si Jarren, isang child on the spectrum na ilang araw na nawawala matapos umanong magtungo nang mag-isa mula sa kanilang tahanan.
Mula pa noong unang araw ng kanyang pagkawala, nagbuklod ang buong komunidad sa panalangin at pag-asa na ligtas siyang matagpuan. Hindi lamang mga pulis at barangay opisyal ang kumilos, kundi maging mga boluntaryo at karaniwang mamamayan. Isa na rito ang jeepney driver na si Allain Bacbac, na siya mismong nakakita kay Jarren sa Atok Trail matapos ang ilang araw na walang pagkain, halos nauubos na ang lakas, at lantad sa malamig at marahas na panahon.
Bagama’t agad siyang nabigyan ng kalinga at naibalik sa piling ng kanyang pamilya, hindi na nakayanan ng kanyang murang katawan ang bigat ng sinapit. Kaninang umaga, Oktubre 3, pumanaw si Jarren, bagay na nagdulot ng matinding kalungkutan sa kanyang mga mahal sa buhay at sa buong komunidad na nagdasal at nagsakripisyo para sa kanya.
Gayunman, nananatili ang pasasalamat ng marami na bago man siya tuluyang mamaalam, nakabalik siya sa kanyang tahanan at nadama ang pagmamahal ng kanyang pamilya. Ang kuwento ni Jarren ay nagsilbing paalala kung paano ang bayanihan at malasakit ng bawat isa ay nagiging liwanag sa oras ng dilim.
Nagpaabot ng pakikiramay ang iba’t ibang sektor sa pamilya Dabaras, kalakip ang panalangin para sa kapayapaan ng bata.
Fly high, Jarren. (Larawan: Baguio City Police Office / Facebook)