Nakakahiya! P28B sanang loan galing South Korea, binawi dahil sa isyu ng katiwalian sa DPWH
マリホ・ファラ・A・ベニテス Ipinost noong 2025-09-11 11:27:25
SETYEMBRE 11, 2025 — Nagdesisyon si South Korean President Lee Jae-myung na ipatigil ang pagproseso ng isang infrastructure loan na nagkakahalaga ng ₩700 bilyon (katumbas ng P28 bilyon) para sa Pilipinas, kasunod ng mga ulat ng katiwalian sa mga proyekto ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Sa isang pahayag sa Facebook, sinabi ni Lee, “What is most fortunate is that the project has not yet commenced, meaning funds such as the Economic Development Cooperation Fund (EDCF) support have not been expanded.”
(Ang pinakamabuti sa lahat ay hindi pa nasisimulan ang proyekto. Ibig sabihin, hindi pa nailalabas ang pondo mula sa Economic Development Cooperation Fund.)
Dagdag pa niya, “There is significant meaning in preventing the unnecessary waste of 700 billion Korean won in taxpayer money and preemptively blocking risks that could lead to poor management and corruption.”
(May malaking kahulugan ang pagpigil sa pag-aaksaya ng ₩700 bilyon mula sa buwis ng mamamayan at ang maagap na pag-iwas sa mga panganib ng maling pamamahala at korupsiyon.)
Bagamat itinanggi ng Department of Finance (DOF) na may kasunduan sa naturang loan, hindi napigilan ang mga reaksyon mula sa mga mambabatas na ikinahiya ang sitwasyon.
Para kay Senador Sherwin Gatchalian, chairman ng Senate finance committee, ang hakbang ng South Korea ay isang sampal sa reputasyon ng bansa.
“Since nasabi nila, ayaw na nilang magpahiram o suspended muna ang pahiram dahil sa corruption, nakakahiya ‘yan,” giit niya. “Ibig sabihin nakikita nila itong mga nangyayari sa DPWH at ‘pag nagpahiram sila sa atin, tapos may ganitong korapsyon, mawawaldas yung pinahiram sa atin.”
Binanggit din ni Gatchalian ang posibleng epekto nito sa mga proyekto ng imprastraktura sa bansa.
“’Yan ang isang challenge rin dahil malaking bahagi ng gastusin natin dito sa budget ay infrastructure — both locally-funded at foreign-funded. So may impact ‘yan sa pagde-develop natin ng mga tulay, kalsada, mga tren,” dagdag niya.
Hinimok niya ang pamahalaan na magsagawa ng masusing imbestigasyon upang maibalik ang tiwala ng publiko at ng mga dayuhang institusyon.
“Kaya kailangan maimbestigahan talaga, ma-restore natin yung tiwala ng tao sa atin, at ma-restore natin ang tiwala ng ibang bansa dahil hindi sila magpapahiram sa atin kung alam nilang napupunta lang sa casino o sa bulsa ng mga tiwaling opisyales,” paliwanag niya.
Samantala, si ML Partylist Representative Leila de Lima ay mas matindi ang pahayag.
“Tama lang na magduda ang ibang mga bansa sa kakayahan pa nating magsagawa ng mga proyekto nang walang kurakot,” saad niya. “Kailangan din nilang isipin ang mga Pilipino na magbabayad sa mga utang na ibinulsa lang ng iilan.”
Aniya, ang mga utang ay nauuwi lang sa luho ng mga tiwaling opisyal.
“Tama ang South Korea. Ipambibili lang ng mga Lamborghini at SUV ng mga demonyo sa gobyerno at kanilang mga kasabwat na kapitalista ang utang na binabayaran ng mga naghihirap na Pilipino.”
Binanggit din ni De Lima ang laki ng utang na binabayaran ng bansa, na aniya’y umabot na sa P6.8 trilyon mula sa administrasyong Duterte, kumpara sa P1.3 trilyon sa panahon ni Aquino.
Sa gitna ng mga alegasyon sa DPWH, muling iginiit ni De Lima ang kontrobersiyal na Pharmally deal.
“Huwag nating kalimutan ang Pharmally sa gitna ng lahat ng imbestigasyon sa DPWH,” paalala niya. “Nagmistulang barya ang Pharmally sa laki ng ninakaw sa mga maanomalyang proyekto ng DPWH.”
(Larawan: Britannica)