PH談話
ウェブサイトをあなたの言語に翻訳します。

Lacson, diskumpyado sa testimonya ng mag-asawang Discaya; suportado ang pagtanggi ni Sotto sa state witness bid

マリホ・ファラ・A・ベニテスIpinost noong 2025-09-11 17:34:23 Lacson, diskumpyado sa testimonya ng mag-asawang Discaya; suportado ang pagtanggi ni Sotto sa state witness bid

SETYEMBRE 11, 2025 — Hindi kumbinsido si Senate President Pro Tempore Panfilo Lacson sa pagiging karapat-dapat ng mag-asawang Cezarah “Sarah” at Pacifico “Curlee” Discaya bilang state witness, kasunod ng kanilang magkaibang pahayag sa Senado at Kamara. 

Sa Kapihan sa Senado forum nitong Huwebes, Setyembre 11, sinabi ni Lacson na suportado niya ang desisyon ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III na huwag pirmahan ang rekomendasyong isailalim ang Discayas sa Witness Protection Program (WPP).

“Unang-una, nag-decline na si SOJ eh. Sinabi na niya na ang isang kondisyon niya is restitution. Nag-usap din sila ni Senate President kaya siguro yun ang naging basis ni Senate President Sotto na hindi na niya pirmahan yung recommendation,” ani Lacson.

Ayon pa kay Lacson, ang naunang rekomendasyon ay isinulong pa sa ilalim ng dating pamunuan ng Senate Blue Ribbon Committee kaya’t ito ay “outdated” na. Bilang bagong chairman, siya ang kailangang muling magsuri at pumirma kung kinakailangan.

Binanggit din ni Lacson ang pag-urong ng testimonya ng Discayas sa Kamara, na taliwas sa kanilang naunang pahayag sa Senado. Aniya, ito ang dahilan kung bakit hindi pa maituturing na kwalipikado ang dalawa bilang state witness.

“Eh kasi nag-retract sila, pagdating sa House iba naman ang sinasabi. How can they qualify kung hindi definite yung kanilang testimonya?” paliwanag niya. “Pag nasa House iba sinasabi, pag nandito iba.” 

Giit ni Lacson, kailangang dumaan muna sa proseso ng legislative immunity ang Discayas upang masuri ang kanilang kredibilidad. Dagdag pa niya, hindi sapat ang testimonya kung wala itong suporta mula sa independiyenteng ebidensya.

“Kung susundan natin yung proseso, unahin na muna natin magkaroon sila muna legislative immunity. Matetest natin yung kanilang credibility as a possible state witness depending sa kanilang testimonya,” aniya.

Tinukoy rin ni Lacson ang isa pang batayan sa pagiging state witness — hindi dapat sila ang pinakapananagutin sa kaso.

“Kung meron silang tinatago, papayagan ba natin para lang maligtas yung sarili nila, eh ang laki rin ng kanilang dapat pananagutan, di ba?” tanong ni Lacson.

Sa ngayon, wala pang pinal na desisyon mula kay Lacson kung kwalipikado nga ba ang Discayas. Aniya, mas mahalagang personal na makaharap ang mga testigo upang matukoy kung totoo ang kanilang sinasabi.

“Sa ngayon wala pa, kasi ngayon lang ako maghe-hearing … Mas importante kaharap mo, tinatanong mo, more or less ma-ga-gauge mo kung binobola ka o hindi,” ani Lacson. “So I cannot at this point in time conclude or even make a judgment kung uubra ba silang state witness.” 

(写真:YouTube)