Bong Nebrija balik-kalsada bilang pinuno ng bagong traffic group ng MMDA
ジェラルド・エリカ・セヴェリーノ Ipinost noong 2025-09-11 18:54:34
MANILA — Matapos ang halos dalawang taon mula nang masuspinde dahil sa kontrobersiya, balik-kalsada na si Edison “Bong” Nebrija bilang pinuno ng bagong tatag na Swift Traffic Action Group (STAG) ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).
Pormal na inilunsad nitong Miyerkoles ang paggamit ng body-worn cameras para sa no-contact apprehension ng mga iligal na paradahan at iba pang obstruction sa pangunahing lansangan at Mabuhay Lanes sa Metro Manila. Pinangunahan ng STAG ang operasyon, na kauna-unahang assignment ni Nebrija mula nang siya’y ibalik sa puwesto.
Nauna nang nasuspinde si Nebrija noong Nobyembre 2023 matapos mali niyang iulat na nahuli si dating Senador Ramon “Bong” Revilla sa EDSA busway. Simula noon ay pansamantalang nawala siya sa mga clearing operations na dati niyang pinamunuan.
“So far, marami kaming na-apprehend. Bihira na ‘yong nakakalusot dahil very swift, very silent,” pahayag ni Nebrija sa isinagawang operasyon sa Maginhawa Street, Quezon City. Aniya, mas mabilis at mas tahimik ang proseso dahil dokumentasyon lang at hindi na kailangan ng mahabang pakikipagtalo sa motorista.
Dagdag pa niya, malaking bagay ang pagbabagong dala ng no-contact system: “Wala na ‘yong, ‘Ma’am, peram ng lisensya, iti-ticket namin kayo.’ Wala na dapat interaction. Kunan lang namin ng litrato at may ebidensiya na.”
Samantala, sinabi ni MMDA Chair Romando Artes na layunin ng bagong sistema at ng pagbabalik ni Nebrija na palakasin ang disiplina sa lansangan habang binabawasan ang pisikal na engkuwentro sa mga motorista.
“Mas marami kaming naa-apprehend sa maikling oras, at mas ligtas din para sa ating mga tauhan,” ani Artes.
Sa pagbabalik niya, nagbiro pa si Nebrija: “May nagtatanong kung na-miss ko daw ang kalsada. Ang tanong ko, na-miss niyo ba ako?”