Diskurso PH
Translate the website into your language:

Xian Lim, nasigawan at natanggal sa project pero ngayon, direktor na

Gerald Ericka SeverinoIpinost noong 2025-10-23 23:22:05 Xian Lim, nasigawan at natanggal sa project pero ngayon, direktor na

Oktubre 23, 2025 – Naranasan na rin ni Xian Lim ang masigawan, mapagalitan, at matanggal sa isang proyekto dahil sa hindi niya naibigay ang hinihingi bilang aktor. Ito ang ibinahagi ng aktor at direktor sa isang media storycon at cast reveal para sa Viva One at Cignal Play series na “Project Loki”.

Ang “Project Loki” ay isang hit Wattpad webtoon detective series na pagbibidahan nina Marco Gallo, Jayda Avanzado, at Dylan Menor, at ididirek mismo ni Xian. Kabilang din sa cast ang mga bagong talento tulad nina Yumi Garcia, Martin Vinegas, Joanna Lara, Love Yauco, Michael Keith, M Drew, Kent Domingo, Iven Lim, Ashley Diaz, at Kurt delos Reyes.

Ayon kay Xian, ang proyekto ay magsisilbing kanyang comeback bilang direktor, matapos maging abala sa iba pang personal na gawain, kabilang ang kanyang pagiging pilot.

Sa mediacon, tinanong si Xian kung alin sa pagiging aktor, piloto, o direktor ang mas fulfilling para sa kanya. “Napakahirap ng tanong. Mahirap i-compare at sabihing one is better than the other. Pero masasabi ko na sa likod ng kamera, dito ako pinakamasaya,” ani Xian.

Nagbigay rin siya ng pangako sa kanyang mga batang cast: ibabahagi niya ang kanyang karanasan sa showbiz para gabay sa kanilang paglago bilang mga aktor. “I want to impart sa kanila kung ano yung mga pinagdaanan ko sa acting process… Nadapa rin ako, napagalitan, nasigawan, at minsan, natanggal sa project,” paglalahad niya.

Dagdag pa niya, “Bilang direktor, iba-iba ang sensibilities namin. Iba-iba ang makakasalamuha nilang director sa kanilang career. Ang pangako ko, aalagaan ko ang bawat karakter, at sisiguraduhin kong bawat isa ay magshi-shine sa proyekto.”

Pinuri rin ni Xian ang dedication ng kanyang cast: “Sila ay very excited, eager, at passionate. Stars in the making sila, diamonds in the rough. Very proud ako sa kanila lahat.”

Para sa maraming baguhang aktor, ito na marahil ang kanilang unang o pangalawang proyekto, kaya’t ayon kay Xian, isa itong hamon at blessing, sapagkat hindi pa sila nahahaluan ng masamang bisyo sa industriya.

Tiniyak ng direktor na mananatiling tapat sa source material ng webtoon ang adaptation. “Makikita ninyo sa screen ang inyong paboritong characters. Hindi lang basta kinuha ang Project Loki tapos iibahin ang kuwento. Gagawin namin ang lahat para ma-execute ito ng tama,” sabi niya.

Ang “Project Loki” ay handa na sa principal photography, at excited na rin ang fans sa nalalapit na serye.