Diskurso PH
Translate the website into your language:

Toni Gonzaga babalik bilang host ng PBB Celebrity Collab Edition 2.0?

Gerald Ericka SeverinoIpinost noong 2025-10-23 23:32:02 Toni Gonzaga babalik bilang host ng PBB Celebrity Collab Edition 2.0?

Oktubre 23, 2025 – Posibleng muling bumalik sa pagiging host si Toni Gonzaga para sa “Pinoy Big Brother Celebrity Collab Edition 2.0,” ayon sa mga netizen na tumutok sa bagong teaser ng reality show. Trending ngayon ang teaser ng ikalawang season ng “PBB Celebrity Collab” na muling ipinakilala ang mga host na naging bahagi ng unang season, kabilang sina Bianca Gonzalez, Robi Domingo, Kim Chiu, Melai Cantiveros, Enchong Dee, Alexa Ilacad, at maging ang mga Kapuso stars na sina Gabbi Garcia at Mavy Legaspi.

Ngunit ang pinakapinag-uusapan sa teaser ay ang isang “host” na muling babalik sa ikalawang edisyon ng programa. Base sa mga hula ng netizens, ito ay si Toni Gonzaga, na isa sa mga original host ng iconic na reality show na nagsimula pa noong 2005. Sa isang Facebook post, ipinakita ang silhouette ng isang female celebrity na kahawig ni Toni, kasabay ng lumang litrato niya. Ang caption ay nagsabing, “Toni Gonzaga, hula ng netizens na magbabalik bilang host sa PBB Celebrity Collab Edition 2.0, base sa latest teaser ng programa.”

Noong Pebrero 2022, nag-resign si Toni bilang main host ng “PBB” matapos itong harapin ang batikos mula sa ilang netizens, partikular mula sa mga Kakampink, nang mag-host siya sa proclamation rally ng UniTeam na pinangungunahan nina Bongbong Marcos at Sara Duterte. Ang hakbang na iyon ang nagdulot ng malawakang diskusyon sa social media, at ilang fans at kritiko ang nagbahagi ng kani-kanilang opinyon hinggil sa kanyang posisyon sa showbiz.

Sa kabila ng kontrobersya, marami pa rin ang naniniwala na si Toni ang pinaka-akmang host ng programa. “Isantabi natin ang political stance, magaling naman talaga si Toni at very effective ang pagho-host niya ng PBB,” ani isang netizen. Isa pang netizen naman ang nagsabing, “Despite her past issues, she’s also the best host of ABS-CBN not just in the network but in the whole Philippines.”

Iba pang netizens ang nagbigay ng suporta sa kanyang pagbabalik: “We’re in a democracy! Why are you canceling someone just because her political views are not aligned with yours? Everyone has the right to vote for and support the candidate he or she believes in.” May ilan naman na nagpakita ng excitement: “Toni Gonzaga’s hosting in Pinoy Big Brother is truly iconic. She brings warmth, intelligence, and authenticity that make every season memorable.”

Ngunit may mga tumututol din: “Wag na! Kaya na ni Bianca ‘yan at ang iba pang hosts.” Gayunpaman, ayon sa ilan sa mga tagahanga, kayang buhatin ni Toni ang programa kahit maraming hosts na ang nasa lineup, dahil siya raw ang “mukha ng PBB,” tulad ng sinabi ni Direk Lauren Dyogi, na producer ng show.

Sa kasalukuyan, wala pang opisyal na pahayag mula sa ABS-CBN o sa mismong management ni Toni Gonzaga hinggil sa kanyang pagbabalik. Subalit ang teaser at ang reaksyon ng publiko ay nagbigay ng malaking hype sa nalalapit na pagbabalik ng celebrity edition ng Pinoy Big Brother.