Ogie Diaz sa mga magpoprotesta — ‘Wag niyo nang hilinging patalsikin ang Pangulo’
ロベル・A・アルモゲラ Ipinost noong 2025-09-21 00:53:15
MANILA — Nagbigay ng kanyang saloobin si Ogie Diaz, komedyante at talent manager, sa pamamagitan ng Instagram Stories nitong Sabado, Setyembre 20, kaugnay sa nakatakdang malawakang kilos-protesta sa Setyembre 21.
Sa kanyang post, nanawagan si Ogie sa mga lalahok na baguhin ang sentro ng panawagan mula sa pagpapatalsik kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. tungo sa sama-samang laban kontra korapsyon.
“Wag n’yo nang hilinging patalsikin ang Pangulo bukas sa rally. Hilingin na lamang na samahan niya tayo sa pakikipaglaban sa korapsyon. ’Di ba mas maganda ’yon?” ani Ogie sa kanyang simpleng mensahe na isinulat sa plain black background.
Binigyang-diin niya na higit na makabubuti kung ang mismong Pangulo ay hikayatin na makiisa sa panawagang reporma at transparency, kaysa magtuon agad sa isyu ng pagpapatalsik.
Samantala, inaasahang dadagsain ng libo-libong katao ang mga nakaplanong pagtitipon sa Metro Manila. Sa Luneta magsisimula ang unang programa dakong alas-9 ng umaga, habang ang mas malaking pagtitipon ay magaganap sa People Power Monument sa Quezon City dakong alas-2 ng hapon. Ang huling yugto ng protesta ay tinaguriang “Trillion Peso March,” na layong ipanawagan ang pananagutan at maayos na paggamit ng pondo ng bayan.
Maraming personalidad at netizens ang nagpahayag ng suporta sa social media, na nagsasabing hindi lamang ito laban sa isang lider, kundi laban sa matagal nang suliranin ng bansa—ang korapsyon. (Larawan: Ogie Diaz / Instagram)