Mikael Daez, ibinahagi ang nakakatakot ngunit nakakatawang karanasan sa operasyon
ロベル・A・アルモゲラ Ipinost noong 2025-09-18 01:23:44
MANILA — Ibinahagi ni aktor at TV host Mikael Daez ang kanyang karanasan sa kanyang kauna-unahang operasyon, na aniya’y nakakatakot sa simula ngunit nauwi sa nakakatawang alaala dahil sa epekto ng anesthesia.
Sa mga video na ipinost niya, makikitang nakahiga si Mikael habang nasa ilalim ng anesthesia at kung saan nagkuwento siya ng kung anu-ano — kabilang na si Kobe Bryant — habang pabirong nakikipag-usap sa kanyang asawang si Megan Young, na tinatawag niyang “Bonez.”
“Undergoing a medical operation for the first time was, admittedly a bit scary but I completely forgot that anesthesia can make you quite loopy. I had a 15 minute vlog with Bonez as I rambled on and I don’t remember any of it. Basta, si Kobe Bryant madalas nasa kwento ko daw,” ani Mikael.
Sa kabila ng takot, maayos naman ang kanyang recovery process. Ayon sa kanya, inabot ng dalawang linggo bago matanggal ang kanyang tahi at ngayon ay unti-unti nang bumabalik ang kanyang kakayahan na maglakad. Excited din siya na muling makalaro ang anak nilang si Leon na nagsisimula nang gumapang at bumubulung-bulong ng mga salita.
Sa naunang post, inamin ni Mikael na ruptured Achilles tendon ang kanyang naging injury matapos maglaro ng basketball — isang bagay na tinawag niyang pinakamalubhang basketball injury na maaari niyang maisip. Bagamat mahaba pa ang kanyang magiging gamutan at rehabilitasyon, positibo siyang muli siyang makakatakbo at makakatalon upang makasabay sa paglaki ng kanyang anak.
“From what I’ve gathered, it’s going to be a very long road to recovery but I’m always up for a challenge,” dagdag pa ng aktor. (Larawan: Mikael Daez / Instagram)