ABC sinibak ang Jimmy Kimmel Live matapos batikos sa Charlie Kirk remarks
マーグレット・ダイアン・フェルミン Ipinost noong 2025-09-18 08:55:53
LOS ANGELES — Inanunsyo ng ABC na ang late-night talk show na Jimmy Kimmel Live! ay tinanggal sa ere “indefinitely” matapos umani ng matinding batikos ang host na si Jimmy Kimmel dahil sa kanyang mga pahayag kaugnay ng pagpatay kay conservative influencer Charlie Kirk.
Sa kanyang monologue noong Lunes, sinabi ni Kimmel: “We hit some new lows over the weekend with the MAGA gang desperately trying to characterize this kid who murdered Charlie Kirk as anything other than one of them and doing everything they can to score political points from it”. Tinukoy niya ang “MAGA gang” bilang mga tagasuporta ni Pangulong Donald Trump.
Si Kirk, isang kilalang kaalyado ni Trump at co-founder ng Turning Point USA, ay binaril at napatay noong Setyembre 10 habang nagsasalita sa isang unibersidad sa Utah. Ayon sa mga awtoridad, si Tyler Robinson, 22, ay gumamit ng high-powered rifle at binaril si Kirk mula sa bubong. Siya ay naaresto at nahaharap sa kasong aggravated murder.
Matapos ang monologue ni Kimmel, naglabas ng pahayag ang ABC: “Jimmy Kimmel Live will be preempted indefinitely,” gamit ang terminong pang-industriya na nangangahulugang pansamantalang tinanggal sa programming. Kasunod nito, inanunsyo rin ng Nexstar Media Group—isa sa pinakamalaking TV station operators sa U.S.—na hindi na nila i-eere ang programa “for the foreseeable future” dahil sa “offensive and insensitive” na komento ni Kimmel.
Nagbabala rin ang Federal Communications Commission (FCC) Chairman Brendan Carr na maaaring magkaroon ng regulatory action laban sa ABC at Disney. “We can do this the easy way or the hard way,” ani Carr, sabay giit na ang mga broadcaster ay may obligasyong kumilos “in the public interest”.
Hanggang sa ngayon, wala pang opisyal na pahayag mula sa kampo ni Kimmel. Ang insidente ay nagbunsod ng mas malawak na diskusyon sa U.S. tungkol sa political discourse, media accountability, at ang papel ng satire sa panahon ng krisis.