Crackdown sa naglipanang pekeng auto parts online tututukan ng CAMPI, IPOPHL
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-12-14 12:28:39
DISYEMBRE 14, 2025 — Nagpatibay ng kasunduan ang Chamber of Automotive Manufacturers of the Philippines Inc. (CAMPI) at Intellectual Property Office of the Philippines (IPOPHL) upang sugpuin ang pagkalat ng pekeng piyesa ng sasakyan sa mga e-commerce platform. Ang hakbang ay nakikitang mahalaga sa kaligtasan ng publiko at sa proteksiyon ng mga lehitimong negosyo.
Ayon kay IPOPHL Acting Director General Nathaniel Arevalo, ang CAMPI — na binubuo ng mahigit tatlong dosenang kompanya ng sasakyan — ay nagdadala ng bigat sa kampanya laban sa mga pekeng produkto.
“Whether in vehicles, electrical systems, or machinery, a single defective part can endanger not just property but people's lives,” aniya.
(Sa mga sasakyan, elektrikal na sistema o makinarya, ang isang depektibong piyesa ay maaaring magbanta hindi lang sa ari-arian kundi pati sa buhay ng tao.)
Batay sa datos ng IPOPHL, dalawa sa 44 ulat ng pekeng produkto ngayong taon ay tumukoy sa mga piyesa ng sasakyan gaya ng langis at bahagi ng motorsiklo. Noong 2024, apat na reklamo ang naitala laban sa pekeng piyesa kabilang ang coolant at mga bahagi para sa Honda.
Sa tala mula Enero hanggang Nobyembre 2025, Facebook Marketplace ang may pinakamaraming ulat ng pekeng listahan na umabot sa 54, kasunod ang Shopee (29), TikTok Shop (9), Lazada (8), at Instagram (2).
Sa ilalim ng e-commerce memorandum of understanding (MOU), magkakaroon ng mas mabilis na “notice-and-takedown” mechanism sa mga partner platform gaya ng Lazada, Shopee, Zalora, at TikTok Shop. Layunin nitong agad na maalis ang mga kahina-hinalang listahan at mapanatili ang integridad ng mga brand.
Binanggit ni CAMPI President Rommel Gutierrez na ang pakikipag-ugnayan sa IPOPHL ay patunay ng kanilang pangako sa kaligtasan ng industriya.
“As the e-commerce environment continuously evolves, brand owners, regulators, and online e-commerce platforms must work together in ensuring that only safe, genuine, and quality products reach the consumers,” wika niya.
(Habang patuloy na nage-evolve ang e-commerce, kailangang magtulungan ang mga may-ari ng brands, regulators, at online platforms upang matiyak na ligtas, tunay, at de-kalidad na produkto lamang ang makarating sa mga mamimili.)
Sa kasalukuyan, CAMPI ang ika-112 na lumagda sa MOU, kabilang ang 97 brand owners, apat na online platform, at 11 business groups. Ang kasunduan ay rerepasuhin makalipas ang 12 buwan upang matiyak ang bisa ng mga hakbang laban sa pekeng piyesa.
(Larawan: Freepik)
