Bagong Land Lease Law, Layon Palakasin ang Foreign Investments
ジェイビー・コーアン Ipinost noong 2025-09-08 16:44:25
Mas inaasahang magiging attractive ang Pilipinas sa foreign investors matapos maisabatas ang bagong panukala na nagpapahaba ng land lease contracts ng mga hindi Pilipino hanggang 99 years.
Nilagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. noong Setyembre 3, ang batas ay nag-aamyenda sa Republic Act No. 7652 o Investors’ Lease Act of 1993. Mula sa dating maximum na 75 years, maaari na ngayong mag-lease ng lupa ang mga foreign investors ng hanggang 99 years.
Pinangunahan ni Senate President Francis Escudero ang panukalang ito na layong magbigay ng mas mahabang seguridad sa mga investors. Itinuturing na mahalaga ang matatag na land tenure sa pagpapasya ng mga negosyo kung saan sila magtatayo ng operasyon. Sa mas mahabang lease period, inaasahang mas maraming kumpanya ang magdadala ng kapital, lilikha ng trabaho, at magpapatibay sa ekonomiya ng bansa.
Ayon sa batas, dapat gamitin ang leased property para lamang sa rehistradong investment purposes. Kailangang magsimula ang proyekto sa loob ng tatlong taon mula sa paglagda ng kontrata; kung hindi, maaaring mabawi ang mga benepisyo sa ilalim ng batas. Maaaring i-renew ang kontrata kung magkasundo ang parehong partido. Pinapayagan din ang subleasing kung may pahintulot ng may-ari ng lupa, maliban kung nakasaad na bawal ito sa kontrata.
Hindi maaaring baguhin o kanselahin ang registered contracts maliban na lamang sa legal na proseso. May kalakip na mabibigat na parusa ang batas para sa mga lalabag, kabilang ang pagkaka-void ng kontrata, multang mula ₱1 milyon hanggang ₱10 milyon, at pagkakakulong ng anim na buwan hanggang anim na taon. Kasama sa mga violation ang pag-exceed ng 99 years lease period, paggamit ng lupa sa ilegal o bawal na paraan, at pag-lease ng lupa lampas sa pinapayagang area.
Inaasahan na makakatulong ang batas na ito para mapabuti ang investment climate ng bansa. Bukod sa pagdagsa ng mas maraming negosyo at trabaho, maaari ring makuha ng lokal na industriya ang benepisyo ng technology transfer at mas maging competitive sa global market.
Sa pamamagitan ng mas malinaw na regulasyon at mas mahabang lease period, mas nailalagay ang Pilipinas sa posisyon bilang isa sa mga pangunahing destinasyon ng foreign investment sa rehiyon.