Bato, spotted? AWOL na senador, pagala-gala lang umano sakay ng big bike
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-12-17 15:22:17
DISYEMBRE 17, 2025 — Patuloy na nagiging usap-usapan si Senador Ronald “Bato” Dela Rosa matapos mapaulat na hindi dumadalo sa mga sesyon ng Senado at tila umiwas sa publiko, kasabay ng mga alegasyon na may inilabas na arrest warrant laban sa kanya ang International Criminal Court (ICC). Sa kabila nito, lumalabas na hindi siya lubos na nagtatago — bagkus ay nakikitang nagmamaneho ng isang ‘big bike’ sa Metro Manila.
Batay sa ulat, madalas umanong nakasakay si Dela Rosa sa isang Honda CRF 450, na sinasabayan ng dalawa pang motorsiklo na pinaniniwalaang minamaneho ng kanyang mga tauhan sa seguridad. Ang naturang big bike ay kilala sa bilis, tibay, at kakayahang makisabay sa trapiko, bagay na nakikitang praktikal para sa isang mambabatas na nais umiwas sa pansin.
“Bato prefers a motorcycle because it lets him blend in with traffic. The fact that it’s expressway-legal also gives him an easy way to leave Metro Manila on short notice,” ayon sa isang source ng Politiko.
(Mas gusto ni Bato ang motorsiklo dahil nakakatulong itong makihalo siya sa trapiko. Dahil expressway-legal ito, madali rin siyang makakaalis sa Metro Manila kung kinakailangan.)
Matatandaang si Ombudsman Jesus Crispin Remulla ang nagbunyag na may inilabas na umano’y warrant ang ICC laban kay Dela Rosa kaugnay ng drug war noong administrasyong Duterte. Gayunman, wala pang opisyal na kumpirmasyon mula sa Department of Justice hinggil dito.
Maging si dating presidential spokesperson Harry Roque, na ngayo’y nasa Europa, ay nagsabing tinutugis ng ICC ang senador.
Samantala, kamakailan ay nagbahagi sa social media ang asawa ng senador na si Nancy ng larawan ng kanilang pagkikita, indikasyong nananatili pa rin sa bansa si Dela Rosa.
Habang nananatiling tahimik ang pamahalaan sa usapin ng ICC warrant, ang mga ulat ng kanyang pagmamaneho ng big bike sa kalsada ay muling nagbukas ng tanong sa publiko: hanggang saan at kailan malayang makakagalaw ang isang mambabatas na iniuugnay sa isa sa pinakamalaking kaso ng karapatang pantao sa bansa?
(Larawan: @ronaldbatodelarosa | Instagram)
