‘Bakit puro porma, puro media, wala namang kasong sinasampa?’ — Belgica, pinuna ang justice system ng bansa
Robel A. Almoguerra Ipinost noong 2025-10-31 23:59:56
MANILA, Philippines — Mariing pinuna ni dating Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) Chairperson Greco Belgica ang tila hindi patas at mabagal na pag-usad ng hustisya sa bansa, lalo na sa mga kasong kinasasangkutan ng mga matataas na opisyal ng pamahalaan.
Sa isang panayam, sinabi ni Belgica na nakapanghihinayang na maraming imbestigasyon ang mistulang nauuwi lamang sa mga press conference at anunsyo sa media, ngunit hanggang ngayon ay wala pa ring malinaw na resulta o kasong naisasampa.
“Bakit puro porma, puro media, wala namang kasong sinasampa? Yung nahuling nagnanakaw sa palengke, may kaso agad ‘yon magdamag lang. Ito, tatlong buwan na, wala pa,” mariing pahayag ni Belgica.
Dagdag pa niya, tila nagiging selektibo ang hustisya sa bansa, kung saan ang mga ordinaryong mamamayan ay agad na napaparusahan, samantalang ang mga makapangyarihan ay tila nakalulusot. Nanawagan si Belgica sa mga kinauukulan na maging patas sa pagpapatupad ng batas at tiyaking may pananagutan ang sinumang mapatutunayang nagkasala, anuman ang katayuan sa lipunan.
Bilang dating anti-corruption czar, nanindigan si Belgica na ang tunay na reporma sa pamahalaan ay magsisimula lamang kung maipapakita ng mga institusyon ng hustisya na walang “sagrado” o “untouchable” sa batas. (Larawan: Greco Belgica / Facebook)
