Diskurso PH
Translate the website into your language:

Tingnan: Nauusong herbal inhaler, maaaring magdulot ng panganib ayon sa Thai FDA

Robel A. AlmoguerraIpinost noong 2025-10-30 22:27:22 Tingnan: Nauusong herbal inhaler, maaaring magdulot ng panganib ayon sa Thai FDA

MANILA Naglabas ng babala ang Food and Drug Administration (FDA) ng Thailand matapos matuklasang may mapanganib na antas ng bacteria at amag, kabilang ang Clostridium spp., sa produktong Herbal Mixed Balm ng Thai Eagle Brand (Formula 2).

Ayon sa ulat ng Channel News Asia, lumabag ang naturang produkto sa ilang probisyon ng Herbal Product Control Act ng Thailand. Batay sa pahayag ng kompanyang Hong Thai Herbal, ang apektadong batch ay may production number na 000332, na ginawa noong Disyembre 9, 2024, at may expiration date sa Disyembre 8, 2027. Umabot sa humigit-kumulang 200,000 yunit ang naturang batch na ipinamahagi sa merkado.

Dahil sa panganib na dulot nito, mahigpit na pinapayuhan ng Thai FDA ang publiko na itigil agad ang paggamit ng Herbal Mixed Balm (Formula 2) upang maiwasan ang posibleng impeksyon o masamang epekto sa kalusugan.

Samantala, kasalukuyang isinasagawa ang imbestigasyon at legal na aksyon laban sa mga responsable sa paggawa at distribusyon ng kontaminadong produkto. Patuloy ding nakikipag-ugnayan ang Thai FDA sa mga lokal na awtoridad upang matiyak ang agarang pagbawi ng lahat ng apektadong yunit sa merkado. (Larawan: Amazon / Google)