Diskurso PH
Translate the website into your language:

Erwin Tulfo: Tama na ang paulit-ulit na pila! PWD ID, gawing lifetime na

Margret Dianne FerminIpinost noong 2025-10-27 07:35:52 Erwin Tulfo: Tama na ang paulit-ulit na pila! PWD ID, gawing lifetime na

MANILA — Isinusulong ni Senator Erwin Tulfo ang panukalang batas na magbibigay ng lifetime validity sa identification cards ng mga Persons with Disability (PWD), upang alisin ang pasanin ng paulit-ulit na pag-renew ng mga ito.

Sa ilalim ng Senate Bill No. 1405, layunin ni Tulfo na amyendahan ang Republic Act No. 7277 o ang Magna Carta for Persons with Disability upang gawing libre at panghabambuhay ang bisa ng PWD IDs. 

Bilang chairman ng Senate Committee on Social Justice, Welfare, and Rural Development, binigyang-diin ni Tulfo ang hirap na dinaranas ng mga PWD sa pagkuha muli ng ID matapos itong mag-expire.

“This is the plight of Filipino PWDs: once their ID expires, they need to line up again to get their requirements, and they need money for transport fares… It is like adding insult to injury,” ani Tulfo.

Sa kasalukuyan, ang Magna Carta ay nagbibigay ng mga benepisyo tulad ng 20% discount sa mga produkto at serbisyo, pati na rin ng pantay na oportunidad sa edukasyon at trabaho. Ayon kay Tulfo, ang panukala ay hakbang upang mapagaan ang buhay ng mga PWD na araw-araw ay humaharap sa personal na laban.

Inaasahan na ang panukalang batas ay makakakuha ng suporta mula sa iba’t ibang sektor, lalo na sa mga lokal na pamahalaan na may mahalagang papel sa implementasyon ng mga benepisyo para sa PWDs.