VP Sara, bukas sa pagsilip ni Remulla sa kanyang SALN
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-10-12 15:26:23
OKTUBRE 12, 2025 — Bukas si Vice President Sara Duterte sa posibilidad na busisiin ni bagong Ombudsman Jesus Crispin Remulla ang kanyang Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN), sa gitna ng mga isyung kinahaharap niya kaugnay ng paggamit ng confidential funds.
“Huwag na niya silipin. Ilagay na niya sa harap niya at pag-aralan na niya nang maayos kung ano man 'yung gusto niyang gawin. Ipagpasa-Diyos na lang natin siya at ang kanyang mga gagawin bilang Ombudsman,” pahayag ni Duterte nitong Sabado sa Mati City, Davao Oriental.
Ang pahayag ay kasunod ng anunsyo ni Remulla na isusulong niyang gawing bukas sa publiko ang SALN ng mga opisyal ng gobyerno, kabilang sina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., dating Pangulong Rodrigo Duterte, at VP Duterte.
“Why not? Let’s go all the way … Lahat ‘yan. Pati kami, kasama kami diyan,” ani Remulla.
Gayunman, inamin ni Duterte na kung siya ang may kapangyarihang pumili, hindi si Remulla ang kanyang pipiliing Ombudsman.
“Kung ako presidente, hindi siya ang ia-appoint ko na Ombudsman,” aniya.
Kasabay nito, tiniyak ni Remulla na rerepasuhin niya ang reklamong inihain laban kay Duterte kaugnay ng umano’y maling paggamit ng P500 milyong confidential fund ng Office of the Vice President at P112.5 milyon sa Department of Education mula 2022 hanggang 2024.
“Bubuklatin natin. Pag-aaralan at tatanungin natin 'yung mga may hawak na ngayon, mga may hawak at 'yung may tungkulin na hawakan 'yung mga kasong iyon,” sabi niya.
Nakapagsumite na si Duterte ng counter-affidavit bilang tugon sa mga paratang.
(Larawan: Inday Sara Duterte| Facebook)