Bondi massacre suspects bumisita sa Pilipinas bago ang pamamaril
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-12-16 08:13:10
December 15, 2025 — Lumalabas sa mga ulat na ang mag-amang suspek sa Bondi Beach massacre sa Sydney, Australia ay bumisita sa Pilipinas ilang linggo bago ang madugong pamamaril na ikinasawi ng hindi bababa sa 15 katao sa isang Jewish Hanukkah celebration noong Disyembre 14.
Kinilala ang mga suspek bilang sina Naveed Akram, 24, at ang kanyang ama na si Sajid Akram, 50, na ayon sa Sydney Morning Herald ay nagsabi sa kanilang pamilya na sila ay magpapahinga sa isang “fishing trip” ngunit sa halip ay tumuloy sa isang short-term rental home sa Campsie matapos bumalik mula sa Pilipinas. Ang ulat ay nagbigay-diin na ang Pilipinas ay tinukoy bilang “known breeding ground for Islamic extremism.”
Ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA), kasalukuyan nilang tinitingnan ang impormasyon hinggil sa pagbisita ng mga suspek sa bansa. “We are checking with our counterparts in Australia regarding reports that the Bondi massacre gunmen had recently returned from a trip to the Philippines,” pahayag ng DFA sa panayam.
Batay sa mga imbestigasyon ng Australian authorities, ang mag-ama ay umano’y nagpakita ng ugnayan sa Islamic State. Sa ulat ng Daily Mail, sinasabing “the father and son gunmen behind Sunday evening's attack at the popular Bondi beach in Sydney allegedly pledged allegiance to the Islamic State before the massacre”. Nakakita rin ng ISIS flag sa kanilang sasakyan matapos ang insidente.
Sa press conference ng Australian Prime Minister Anthony Albanese, sinabi niyang walang nakitang ebidensya ng radikalisasyon bago ang pag-atake. “There was no evidence the father and son gunmen behind a terror attack on Bondi Beach had been radicalised,” aniya, sa kabila ng mga ulat na bumisita ang dalawa sa isang “terrorism hotspot” bago ang pamamaril.
Si Sajid Akram ay napatay ng mga pulis sa lugar ng insidente, habang si Naveed ay nasa kritikal na kondisyon sa ospital. Ayon sa ulat ng Rappler, “Officials have described Sunday’s shooting as a targeted antisemitic attack”.
Patuloy na nakikipag-ugnayan ang DFA sa mga awtoridad ng Australia upang malaman kung may posibleng koneksyon ang pagbisita ng mga suspek sa Pilipinas sa kanilang naging radikalisasyon. Sa ngayon, wala pang opisyal na pahayag kung saan sa bansa nanatili ang mag-ama at kung sino ang kanilang nakasalamuha.
Larawan mula The Times of Israel
