Diskurso PH
Translate the website into your language:

King Charles hinubaran ng titulo, pinatalsik sa mansyon ang kapatid na si Andrew

Marijo Farah A. BenitezIpinost noong 2025-10-31 11:17:56 King Charles hinubaran ng titulo, pinatalsik sa mansyon ang kapatid na si Andrew

OKTUBRE 31, 2025 — Sa gitna ng patuloy na kontrobersiya, isang matinding hakbang ang ginawa ni King Charles III — tinanggal na niya ang lahat ng natitirang titulo ng kanyang kapatid na si Andrew at pinaalis ito sa Royal Lodge, ang dating tahanan nito sa Windsor Estate.

Hindi na siya tatawaging prinsipe, ang tinuring na Duke of York. Mula ngayon, si Andrew ay kilala na bilang Andrew Mountbatten Windsor. 

Ayon sa pahayag ng Buckingham Palace, “Prince Andrew will now be known as Andrew Mountbatten Windsor. His lease on Royal Lodge has, to date, provided him with legal protection to continue in residence. Formal notice has now been served to surrender the lease, and he will move to alternative private accommodation.” 

(Makikilala na si Prince Andrew bilang Andrew Mountbatten Windsor. Ang lease niya sa Royal Lodge ay nagbigay sa kanya ng legal na proteksyon upang manatili roon. Isang pormal na abiso ang naipadala na upang isuko ang lease, at siya ay lilipat sa pribadong tirahan.)

Ang desisyong ito ay bunga ng matagal nang panawagan na kumalas ang monarkiya sa anino ng iskandalo ni Andrew kaugnay ng yumaong sex offender na si Jeffrey Epstein. Lumabas kamakailan ang mga lumang email mula 2011 kung saan sinabi ni Andrew kay Epstein na dapat silang “keep in close touch” at “play some more soon”.

Bukod sa mga email, muling nabuhay ang mga akusasyon ng sexual abuse matapos mailathala ang memoir ni Virginia Giuffre, ang babaeng nagsampa ng kaso laban kay Andrew noong 2022. Sa kanyang libro, sinabi ni Giuffre na “entitled” si Andrew at naniniwalang karapatan niyang makipagtalik sa kanya dahil sa kanyang pinanggalingan at pagiging dugong bughaw.

Bagamat patuloy ang pagtanggi ni Andrew sa mga paratang, hindi na kinaya ng palasyo ang bigat ng kontrobersiya. 

Ayon sa pahayag, “These censures are deemed necessary, notwithstanding the fact that he continues to deny the allegations against him.” 

(Kinakailangan ang mga parusang ito, kahit patuloy niyang itinatanggi ang mga akusasyon laban sa kanya.”) 

Dagdag pa ng palasyo, “Their Majesties wish to make clear that their thoughts and utmost sympathies have been, and will remain with, the victims and survivors of any and all forms of abuse.” 

(Nais ipabatid ng kanilang mga Majesties na ang kanilang damdamin at taos-pusong pakikiramay ay nasa mga biktima at nakaligtas sa anumang uri ng pang-aabuso.)

Hindi rin nakaligtas sa batikos si Andrew sa isyu ng paninirahan sa Royal Lodge. Dalawang dekada na raw siyang hindi nagbabayad ng renta, ayon sa mga ulat, kahit pa siya ang gumastos sa renovation nito noon. Isang parliamentary committee pa ang nagtanong kung nararapat pa ba siyang manatili roon.

Bagamat si King Charles ang nagdesisyon, may basbas ito ng buong pamilya, kabilang si Prince William. Sa kabila ng kanyang cancer treatment, pinatunayan ni Charles na handa siyang magpatupad ng mahigpit na hakbang para mapanatili ang dignidad ng monarkiya.

Sa kasaysayan ng British royal family, bihira ang ganitong klaseng pagputol ng ugnayan. Pero sa panahon ngayon, mas mahalaga raw ang reputasyon ng institusyon kaysa sa dugo ng pamilya.

(Larawan: Yahoo)