‘Mein Kampf’ ni Hitler, natagpuan sa opisina ng grupong konektado sa Hamas
Robel A. Almoguerra Ipinost noong 2025-10-23 22:04:52
OKTUBRE 23, 2025 — Nadiskubre ng mga sundalo ng Israeli Defense Forces (IDF) mula sa Paratroopers Brigade ang kopya ng Mein Kampf ni Adolf Hitler sa isinagawang pagsalakay sa tanggapan ng “Islamic Charity Association” sa Hebron, na kinilalang isa umanong sangay ng Hamas, isang grupong itinuturing na terorista.
Isinagawa ang operasyon sa ilalim ng Judea Regional Brigade bilang bahagi ng kampanya laban sa pagpopondo ng terorismo at pamumudmod ng mga materyales na nag-uudyok ng karahasan at galit.
Ayon sa ulat ng IDF, nasamsam sa operasyon ang tinatayang 165,700 shekels (humigit-kumulang ₱2.6 milyon) na pinaniniwalaang pondo ng mga terorista, kasama ang mga kagamitan na ginagamit umano sa pagpapakalat ng ekstremistang propaganda.
Ang pagkakadiskubre ng Mein Kampf—ang aklat ni Hitler na simbolo ng galit at radikal na ideolohiya—ay nagpatibay sa hinala ng mga awtoridad na ang nasabing organisasyon ay hindi totoong charity kundi tagapagsuplay ng pondo at rekrut ng Hamas.
Matapos ang operasyon, isinelyado ng IDF ang pangunahing pasukan ng gusali upang pigilan ang karagdagang aktibidad habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.
Ayon sa pahayag ng militar ng Israel, ang naturang mga pagsalakay ay bahagi ng kanilang patuloy na hakbang upang putulin ang pinansyal at ideolohikal na suporta ng mga grupong terorista at wakwakin ang mga organisasyong ginagamit ang “charity” bilang takip sa karahasan at ekstremismo. (Larawan: Britannica / Google)
