3 PH Tech Startups, Pasok sa Forbes Asia ‘100 to Watch’ List 2025
ジェラルド・エリカ・セヴェリーノ Ipinost noong 2025-08-26 22:30:56
Agosto 26, 2025 - Tatlong kumpanyang teknolohiya mula sa Pilipinas ang napili bilang bahagi ng prestihiyosong “100 to Watch” list ng Forbes Asia para sa taong 2025.
Kabilang sa listahan ang Enstack, NetBank, at Xpress Super App—mga kumpanyang patuloy na nagpapakita ng inobasyon at mabilis na paglago sa kani-kanilang industriya.
Enstack
Itinatag noong 2021 ni Macy Castillo, nag-aalok ang Enstack ng AI-powered app na tumutulong sa maliliit at katamtamang negosyo na makapagtayo ng sarili nilang online store. May kasamang features ito tulad ng paggawa ng logo, pagsulat ng product description, pagbabayad, shipping, at inventory tracking.
Nakapasok na ito sa Thailand ngayong taon at umabot na sa higit 100,000 downloads sa Google Play. Nakatanggap din ang kumpanya ng halos $3 milyon na pondo mula sa mga kilalang investors.
NetBank
Naitatag noong 2019, ang NetBank ay isang digital bank na nagbibigay ng loan management, payments, at disbursement services. Nakaangkla ito sa isang rural bank na kanilang nakuha.
Ilan sa kanilang kliyente ay ang Smart Money, TikTok, at Lazada. Ayon sa ulat, nakapagtala na ang NetBank ng ₱22.2 milyon na kita sa unang kalahati ng 2025, matapos ang ilang taon ng pagkalugi.
Xpress Super App
Itinatag noong 2022 nina Jean Henri Lhuillier at Nathan Taylor, nag-aalok ang Xpress Super App ng ride-hailing, delivery, at courier services. May mahigit 100,000 downloads na ito at nakapaglunsad din ng hiwalay na app para sa mga driver.
Kasama sa kanilang plano ang pagbibigay ng flight at ferry bookings, pati na rin digital payments. Noong Mayo 2025, nagpakilala rin sila ng green fleet na may 40 electric at hybrid vehicles upang maisulong ang mas malinis na transportasyon.
Ang pagkakasama ng tatlong kumpanyang Pilipino sa listahan ng Forbes Asia ay patunay ng lumalaking potensyal ng bansa sa larangan ng teknolohiya at inobasyon. Ang “100 to Watch” ay taunang inilalabas upang kilalanin ang mga nangungunang startup at small companies sa Asya-Pasipiko na may kita na mas mababa sa $50 milyon at may funding na mas mababa sa $100 milyon.
Sa pamamagitan ng pagkilalang ito, mas nagiging bukas ang pinto para sa mga kumpanyang Pilipino na makatawag-pansin ng mas maraming mamumuhunan at mas mapalawak pa ang kanilang operasyon sa loob at labas ng bansa.